SA KULTURA ng mga Pilipino, ang pag-abot sa edad na 60 ay isang bagay na dapat ipagdiwang. Ito kasi ang edad kung saan maaari nang magpahinga mula sa pagtatrabaho ang isang indibidwal bilang senior citizen upang makapaglaan ng oras sa pamilya at sa ibang bagay na nais gawin.
Matapos ang kanyang mga naiambag sa lipunan, siya naman ang aalagaan ng komunidad at pamahalaan sa pamamagitan ng samu’t saring benepisyong alinsunod sa batas.
Sa bisa ng Expanded Senior Citizens Act of 2010 o RA 9994, ang sinumang nasa edad 60 pataas ay kikilalanin bilang mga senior citizen. Nakasaad din sa batas na ito ang iba’t ibang benepisyo at mga diskwentong nararapat makuha ng mga senior citizen. Ilan sa mga kapaki-pakinabang at talaga namang malaking tulong ay ang 20% na diskwento at VAT exemption sa mga generic na gamot at ang 20% na diskwento sa pagkain.
Habang lumilipas ang mga taon, paparami nang paparami ang mga senior citizen sa bansa. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mula 2000 hanggang 2020, dumoble ang bilang ng mga senior citizen. Mula sa bilang na 4.6 milyon, ito’y naging 9.22 milyon matapos ang dalawampung taon. Sa katunayan, sa pagtataya ng Population Commission, sa susunod na 12 taon, maaaring tumaas sa 14% ang bilang ng senior citizens sa bansa mula sa kasalukuyang 8.5% ng populasyon. Kaakibat ng pagbaba ng feritility rate ay ang pagbilis naman ng pagtaas ng antas ng pagtanda ng populasyon ng Pilipinas.
Kaugnay nito, sa kabila ng pagkakaroon ng mga diskwento at mga benepisyo para sa mga senior citizen, mukhang dapat suriin kung sapat ba ang nakukuha nila upang masigurong nasa maayos silang kalagayan lalo na kung kalusugan ang pag-uusapan. Sa kasalukuyan, marami sa mga senior citizen ang namumuhay habang nakadepende sa kanilang pamilya. Bagama’t maituturing na pangkaraniwang sitwasyon ito, depende pa rin sa naitabi ng senior citizen at sa mga makukuha nila mula sa retirement kung paano makaaapekto sa pinansyal na kalagayan ng pamilya ang kanilang paninirahan sa poder ng mga ito.
Sa ilalim ng RA 9994, nagbibigay ng karagdagang P1,000 na stipend ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga indigent senior citizen bilang karagdagang budget para sa gastusin sa araw-araw at sa gastos sa gamot. Ang mga kwalipikado sa benepisyong ito ay ang mga may sakit at may kapansanan na walang pensiyong nakukuha mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), o iba pang pribado o pampublikong ahensiya. Kung iisipin, sa taas ng presyo ng mga produkto at serbisyo, sapat ba ang P1,000 bilang allowance para sa mga senior citizen na walang pensiyon lalo na kung sila ay may karamdaman o kapansanan?
Batay sa mga opisyal na datos mula sa PSA, tumataas na ang bilang ng mga senior citizen sa bansa. Kaugnay nito, dapat paghandaan ang pagtaas din ng bilang ng mga indigent na senior citizen na mas mangangailangan ng tulong. Karaniwan, sila ay mula rin sa mga pamilyang wala ring sapat na panggastos. Magiging malaking tulong kung ang pamahalaan ay magtatayo ng mga nursing home para sa kanila upang ang pamilya nila ay hindi rin masyadong mabigatan sa pang-araw-araw na gastusin. Bagama’t bahagi ng kultura nating mga Pilipino ang pagiging malapit sa pamilya at mapagmahal sa magulang, mainam na mayroon ding ganitong opsyon para sa mga pamilyang walang sapat na kakayahang matustusan ang pangangailangan ng kanilang senior citizen na kapamilya.
Para naman sa mga senior citizen na may pisikal pang kakayahang makapagtrabaho sa kabila ng kanilang edad, mainam din kung mayroong mga programang magbibigay ng pagkakataon sa kanila na magpatuloy sa pagiging kapakaki-pakinabang na miyembro ng lipunan. Maaari silang bigyan ng mga magagaan na trabaho kung nais nilang magpatuloy sa pagsisilbi sa komunidad.
Bukod din sa pagsasaalang-ala sa kapakanan ng mga senior citizen, dapat ding paghandaan ng pamahalaan ang pagtanda ng mga susunod na henerasyon lalo na kung karamihan sa mga ito ay walang inaasahang pensiyon. Sa ganitong sitwasyon, malaki ang posibilidad na patuloy na tataas ang bilang ng mga indigent senior citizen sa bansa.
Mainam kung magsasagawa ng mga information campaign ang pamahalaan at mga miyembro ng pribadong sektor ukol sa kung paano maaaring paghandaan ng mga nakababatang miyembro ng populasyon ang kanilang pagreretiro. Dapat ipaalam sa kanila ang mga opsyon kung paano maaaring makapag-ipon at makapaghanda para sa kanilang hinaharap.
Bilang isang indibidwal na nalalapit na sa pagiging senior citizen, lalo kong naiisip ang kapakanan ng mga nakatatanda. Nawa’y lumaki pa nang naaayon sa antas ng inflation sa bansa ang kanilang natatanggap lalo na ng mga indigenous na senior citizen sa bansa. Batay sa datos ng populasyon, tumataas na ang antas ng pagtanda ng populasyon kaya napakahalaga na ngayon pa lang ay masiguro na mayroong sapat na pondo at mga programang magsusulong ng kapakanan nila.