(Sapul ng election spending ban) PAMIMIGAY NG FUEL SUBSIDY TIGIL MUNA

PUVs

ITINIGIL muna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng fuel subsidy sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators dahil sa election spending ban.

Sa panayam ng GMA News “Unang Balita” nitong Lunes, sinabi ni LTFRB executive director Maria Kristina Cassion na hanggang noong Marso 29 ay nasa 110,200 benepisaryong PUVs ang nakatanggap na ng subsidiya.

Aniya, nasa 22,000 taxi at UV Express beneficiaries ang isinasailalim sa document validification.

Magkakaloob naman ang Department of Trade and Industry (DTI) ng fuel subsidy sa 27,000 delivery services, habang sa mga tricycle driver ay hinihintay pa ng LTFRB ang listahan ng mga benepisaryo na magmumula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ang election spending ban ay nagsimula noong Marso 25 at magtatapos sa Mayo 8, 2022.

Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10747, kailangan ang certificate of exemption para maipatupad ang mga programa para sa social welfare projects and services kahit may umiiral na ban.

Ayon kay Cassion, bago ang ban ay nagsumite sila ng application sa Commission on Elections (Comelec) para sa exemption at hinihintay na lamang nila ang resulta nito para maipagpatuloy ang pamamahagi ng subsidiya.

Sinimulan ng pamahalaan ang pamamahagi ng P6,500 fuel subsidy sa  377,000 qualified PUV drivers at operators noong Marso para matulungan sila sa gitna ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.