SARA DUTERTE UMAASA NA MAGKAKAAYOS ANG AMA AT SI ROBREDO

Magkape Muna Tayo Ulit

MAGANDA at marangal ang hangad ni Davao City Mayor Sara ‘Inday’ Duterte sa kanyang pagtanggap kay Vice President Leni Robredo bilang  co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD). Para kay Mayor Sara, nananalig siya na sa pagtanggap at muling pagbabalik ni VP Leni bilang aktibong tumutulong sa administrasyon ng kanyang ama ay bumalik ang magandang relasyon ng dalawang matataas na opisyal ng ating bansa.

Ayon kay Mayor Sara, sana ay magbunga ng mga magagandang proyekto at programa  laban sa illegal drugs ang pagbabalik ni VP Leni na tumu-long sa admi­nistrasyon ni Pangulong Duterte.

Matatandaan na mahigit tatlong taon na ang nakararaan nang maging opisyal na miyembro ng gabinete si Robredo nang tanggapin niya ang posisyon bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Nangyari ito matapos na magkita sila ni Pa­ngulong Duterte sa Camp Aguinaldo noong ika-1 ng Hulyo 2016. Noong ika-7 ng nasabing buwan, pormal na inalok ni Duterte si Robredo na hawakan ang HUDCC na may ranggo bilang miyembro ng gabinete. Agad na tinanggap ito ni VP Leni.

Ang posisyon bilang pinuno ng HUDCC ay hinawakan din ng da­lawa sa mga dating bise presidente natin. Sila ay sina Noli De Castro noong panahon ni Pa­ngulong Gloria Macapagal-Arroyo at Jejomar Binay noong panahon ni Pangulong Noynoy Aquino.

Subalit tila nabahiran agad ng pamumulitika ang mga aksiyon ni VP Leni sa mga unang sultada niya bilang pinuno ng HUDCC. Napabalita na gi-nagamit niya ang kanyang opisina sa maagang pangangampanya. Mariin namang itinatanggi ito ni Robredo .

Nag-ugat kasi ito sa pagbisita ni VP Leni sa Batanes noong ito ay tamaan ng matinding bagyo. Nakipag-usap din si Robredo sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa kampanya ng pamahalaan laban sa ile­gal na droga. Alam naman natin ang masalimuot na relasyon ni Duterte sa Simbahang Katoliko.

Hindi  tuloy maiaalis ang pagdududa ng mga malapit kay Duterte sa posibleng adyenda ni VP Leni. Lalo na at ang mga dilawan ay todo suporta sa kanya. Kaya naman noong ika-4 ng Disyembre ng 2016, sinabi ni dating Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. na huwag nang umatend si Robredo sa mga pulong ng gabinete. Hindi man aminin subalit nagduda ang ilan na malapit kay Duterte na maaaring si Robredo noon ang magiging mata at tainga ng oposisyon.

Pagkatapos ng tatlong buwan na pananahimik ni VP Leni sa pagi­ging aktibong oposisyon, nagsalita siya laban sa nangyayaring kampanya ng pa-mahalaan laban sa ilegal nga droga. Dahil dito ay muling inalok ni Duterte si VP Leni bilang hamon kung may magagawa siya laban sa ilegal na droga. Marami ang nagduda na tatanggapin niya ang nasabing alok ni Duterte. Subalit marami ang nagulat nang pumayag ang ating bise presidente.

Tama ang sinabi ni Mayor Sara. Sana ay hudyat na ito ng pagsasama nang matiwasay ng ating presidente at bise presidente para maayos natin ang salot na ilegal na droga. Tama na ang pamumulitika. Tatlong taon na lang ang naiiwan sa termino ni Duterte. Ang mahalaga ay ang pag-unlad ng a­ting bayan.

Payo ko lang kay VP Leni na huwag siyang masyadong makinig sa mga taong nakapaligid sa kanya na malaki ang impluwensiya ng dilawan. Si VP Leni ay hindi orihinal o tunay na dilawan. Alam niya na ginamit lamang siya ng mga dilawan upang tumakbo sa nakaraang eleksiyon. Nagwagi siya. Sa palagay ko ay husto na ang ibinayad niya na ‘utang na loob’ sa mga dilawan. Panahon na isipin na niya ang kapakanan ng ating bayan.