HANDA na ang mga kasapi ng SACI Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative (SARBCO) sa Sarangani upang tahakin ang pagiging agricultural entrepreneurs pagkatapos nilang makumpleto ang pagsasanay sa ilalim ng Farm Business School (FBS) program ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Ang FBS, na binubuo ng 25 masinsinang sesyon, ay isang programang nakatuon sa paghahasa sa kakayahang pagnenegosyo ng mga magsasaka, na nagbibigay ng kapangyarihan sa kanila upang linangin ang kanilang mga lupain nang mas produktibo habang isinasalin ang mga estratehiya sa negosyo sa kanilang mga kasanayan sa pagsasaka.
Sa pamamagitan ng komprehensibong programa ng FBS, ang mga nagtapos ay nagkaroon ng mas malalim na kaalaman sa agrikultura at pagnenegosyo sa pamamagitan ng kolaborasyon ng DAR Sarangani at lokal na pamahalaan ng Alabel.
Ang SARBCO, na matatagpuan sa Purok Progressive, Maribulan, ay isang organisasyon na tinutulungan ng DAR na may negosyo sa produksiyon ng saging.
Ayon kay SARBCO Chairman Joel Yaris, ang programa ng FBS sa pagpaplano at pag-iingat ng mga talaan ay malaking tulong sa kanilang operasyon sa negosyo.
“Sa pamamagitan ng 25 session trainings, marami kaming bagong natutunan sa pagpapaunlad ng aming negosyo at pagpapalakas ng aming kooperatiba,” aniya.
Binigyang pugay naman ni Senior Agrarian Reform Program Officer Agnes Torino ang mga nagtapos at kinilala sila bilang mga adult learners na nagpapakita ng malaking pangako sa kanilang personal at propesyonal na paglago.
“Naniniwala ako na ang inyong pag-aaral ay makapagbubukas ng mga bagong oportunidad , hindi lamang para sa inyong sarili, at sa kooperatiba kundi sa mas malawak na komunidad,” aniya.
Hinikayat din niya ang kooperatiba na maging inspirasyon sa iba pang agrarian reform beneficiaries na palawakin ang kanilang mga kasapi at dahil sa kanilang bagong kaisipan sa negosyo ay magiging handa na silang gawing maunlad na negosyo ang kanilang mga sakahan, na makapag-aambag sa napapanatiling pag-unlad sa Alabel.
Sa ginanap na seremonya, 15 graduates ang ginawaran ng espesyal na parangal sa mga kategoryang tulad ng Pangarap na Sakahan, Sakahan sa Ngayon, Best in Business Plan, Best Vision and Mission, and Perfect Attendance, na kumilala sa kanilang katangi-tanging nagawa at dedikasyon sa buong kurso.