SARANGANI- NAKAALERTO ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) bunsod ng naganap na magni-tude 6.2 earthquake sa lalawigang ito kahapon ng umaga.
Sa ulat ng PHILVOCS, dakong alas-7:30 ng umaga ay niyanig ng magnitude 6.2 na lindol ang lalawigan ng Sarangani.
“So far po, ongoing assessment pa sa affected areas, wala pa pong reported damages, ayon kay Mark Shean Timbal ng NDRRMC Public In-formation Bureau.
Dahil dito, sinuspindi ng General Santos CDRRMO ang pasok sa lahat ng pasilidad ng gobyerno sa General Santos City kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Alabel, Sarangani.
Layon nito na maisailalim sa inspeksyon ang mga pasilidad at gusali ng gobyerno upang matiyak na ligtas gamitin ang mga ito.
Ayon sa Phivolcs, maaring magdulot ng pinsala at aftershocks ang malakas na pagyanig.
Kasabay nito, nagsasagawa na rin ng assessment ang Department of Social Welfare and Development Field Office XII (DSWD FO XII) matapos ang pagyanig.
Sinabi ni DSWD Regional Director Cezario Joel Espejo, hinihintay na lang ng ahensiya ang mga ulat mula sa field at local government units para sa kinakailangang suportang ibibigay.
“We are on standby and ready to assist ang augment resources for affected Local Government Units,” ani Espejo.
Naramdaman ang pagyanig sa 11 kilometers northeast ng Alabel dakong alas-7:22 ng umaga, may 16 kilometers ang lalim ng pagyanig at tectonic ang origin.
Bunsod nito, naitala ang intensity 5 sa General Santos City; intensity 4 sa Kiamba, Sarangani; Tupi at Koronadal City, South Cotabato; at Intensity 3 naman sa Kidapawan City. VERLIN RUIZ
Comments are closed.