SARANGGOLA BLOG AWARDS 2018, NAGING MATAGUMPAY

SARANGGOLA BLOG AWARDS-1

IDINAOS ang ikasampung Saranggola Blog Awards noong Dis­yembre 16, 2018 sa Brio Towers, Guadalupe, Makati City kasama ang pangunahing organizer at tagapagtatag ng SBA na si Bernard Umali, at ang Sentrong Pangkultura ng Pili-pinas, Gold Leaf Productions, at DMCI Homes bilang mga sponsor.

Ang patimpalak ay naging bukas sa lahat ng beterano at blogger na 18 taong gulang pataas.

Kailangang ang mga akda ay nasa WordPress, Blogger, Tumblr, o anumang blog platform. Gamit ang mga pamantayan na nag-ing patnubay ng mga hurado, ang mga sumusunod ang nanalo at ang tema ng bawat kategorya:

DAGLI – LGBT/SOGIE

  1. Bharahagi ni Kirt John Segui
  2. Tatlo para sa Ikatlo ni Erwin Aguila
  3. Tatlong Kuwento ni Josephine de Dios
  4. Tatlong Danas ng Mga Silahis ni Maria Kristelle Jimenez

SANAYSAY – Mental Health

  1. Pagdalumat sa Hindi Maunawaan ni Berlin Flores
  2. Pagbabalik mula sa Isang Pagtakas ni Kirt John Segui
  3. Mental is the Nyu Kreyz ni Kennie Colleen Ruben

TULA – Sexual Harassment

  1. Hibik ni Josephine de Dios
  2. Salaysay ng Halay ni Renzo Prino
  3. Tula’y Tatlong Mahalay ni Pharen Santos Ocampo
  4. Kung Saan May Ligalig ni Vincent Na­varez

KUWENTONG PAMBATA – Children with Disabilities

  1. Bespren ko si Antipara ni Maria Kristelle Jimenez
  2. Nakamamangha si Hannah ni Sherald Salamat
  3. Paulit-ulit, Paika-ika ni Erwin Aguila
  4. May Mga Gala Kami ni Kuya Ding ni Darwin Medallada

MAIKLING KUWENTO – HIV/AIDS

  1. Lani ni Darwin Medallada
  2. Maruruming Labahan ni Rommel Asuncion Pamaos
  3. Hindi Ako Minahal ni Papa ni Jemaima Robles
  4. Kumpisal ni Sherald Salamat
SARANGGOLA BLOG AWARDS-2
ANG tagapagtatag ng Saranggola Blog Awards na si Bernard Umali (kaliwa), kasama ang mga nanalo sa kategoryang sanaysay na si Berlin Flores (una), sculpture ng SBA trophy na si Honesto Guiruela III, Che Sarigumba at Likha, Kennie Colleen Ruben (ikatlo) at Kirt John Segui (ikalawa). Kuha ni Camilo Mendoza Jr. Villanueva

 

Sa awarding ceremony ay nagbigay ng isang maikling lecture tungkol sa LGBT/SOGIE si Yanyan Araña ng loveyourself.org. Para naman simulan ang paggawad sa mga nanalo, ang isa sa mga hurado para sa kategor­ya ng Tula na si Ruth Elynia Mabanglo ay nagbahagi ng maikling pahayag ukol sa pa­ngangailangan ng masinop at wastong pa­raan ng pagpapahayag lalo na sa mga blog, at ang kahalagahan nito sa mga mambabasa at nagsisimulang mga manunulat.

Wika niya, “Kung kayo ay magiging mabuting estudyante ng wika, alam ninyo na ang dapat nating iha­yag, lalo na sa internet, ay ang tama, ’yong mahusay, at ’yong hindi mapapantayan. So, kinakailangan nating ibigay ang lahat ng ating maibibigay para sa mabuting pagtuturo, para sa mabuting pagpapahayag, at para na rin sa kasiyahan nating pangsarili.”

Sinundan siya ni Edgardo Guevarra mula sa loveyourself.org na tumalakay sa usaping HIV.

Sa pamamagitan ng CCP Intertextual Division, nagkaroon ng 14 na indibidwal na mga hurado at isang grupo ng hurado para sa iba’t ibang kategorya.

Sina Ruth Elynia Mabanglo, Noel de Leon, at Emmanuel Velasco para sa Tula; Che Sarigumba, Wilfredo Pascual, at Katrina Stuart Santiago para sa Sanaysay; Marquiel Zigfrid Lopez, Luis Gatmaitan, at Kora Dandan Albano para sa Kuwentong Pambata; Perci Cendana, Ricardo Fernando III, at Jesh Alberto para sa Dagli; at Camilo Villanueva, Jr., Jude Ortega, at Pinoy Reads Pinoy Books Book Club para sa Maikling Kuwento.

Ipinakilala ni Beverly W. Siy, ang Officer-in-Charge ng CCP Intertextual Division sa awarding ceremony ang mga hurado at ang proseso ng pagpili sa mga nanalo sa patimpalak.

Ang mga first placer ay binigyan ng badge ng pagkilala na ilalagay sa blogsite ng manunulat, P5,000 cash, at isang special commemorative award.

Ang mga second placer ay tumanggap ng P3,000 cash, badge para sa kanilang website, at sertipiko.

Ang third placer naman ay nakakuha ng sertipiko at badge, kasama ang P2,000 cash.

Lahat ng premyo ay mula sa SBA founder na si Bernard Umali, itinaguyod naman ng DMCI Homes ang venue, pagkain, at iba pang pangangailangan sa produksiyon ng awarding night.

Binigyan din pagkakataon ang mga nanalo na makilala at kumuha ng mga retrato kasama ang mga mambabasa ng blog at ang ilan sa mga hurado sa SBA.

Ang mga nanalong akda ay makikita sa http://www.sba.ph/.

Comments are closed.