SARDINAS SAPAT KAHIT MAY CLOSED FISHING SEASON

TINIYAK ng Canned Sardines Association of the Philippines na hindi magkakaroon ng kakapusan sa supply ng sardinas sa merkado.

Ito ay  kahit pa umarangkada na ang closed fishing season.

Sinabi ni Francisco Buencamino, ang executive director ng CSAOPH, na nakahanda sila sa closed fishing season.

Ito ay upang hindi tumaas ang presyo ng sardinas at may mabili ang mga consumer.

Habang pinaghandaan din nila ang mga nagdaang bagyo kung saan ikinasa ang relief operations at bahagi nito ang pamamahagi ng pagkain kasama ang sardinas.

Pinawi ni Buencamino ang pangambang kapusin sila sa sardinas dahil  maaga pa, aniya, ay nag-iipon na sila ng huli, saka inilalagay sa lata at storage upang matugunan  ang pang­angailangan at peak ngayong papasok ang holiday season.

Ang closed fishing season ay nagsimula sa ilang karagatan nitong October at magwawakas sa Pebrero sa susunod na taon.

Layunin ng pagbabawal sa pangingisda lalo na sa mga galunggong, tamban, tawilis at salinas na  bigyan ng panahon ang mga ito na makapangitlog, lumaki ang maliliit na isda at produksiyon.