(Sariwang agri products ibinebenta) ‘KADIWA ON WHEELS’

SIMULA kahapon, ipinagpatuloy ng “Kadiwa On Wheels” ang operasyon nito sa pamamagitan ng pagbisita sa ibang barangay kada dalawang araw sa San Juan City.

Ang unang barangay na nagho-host ng Kadiwa Truck ay ang Barangay St. Joseph.

Inilalako ng Kadiwa program ng Departamento ng Agrikultura ang mga sariwang aning produkto na mabibili ng mga mamimili sa abot-kayang presyo sa pamamagitan ng pag-aalis ng ilang layer ng middlemen.

Sa Kadiwa on Wheels sa San Juan City, nabibili ang sibuyas sa halagang P170 kada kilo ngunit dahil sa limitadong supply nito, ang bawat tao ay pinapayagan lamang ng maximum na tatlong kilo.

Sa kasalukuyang nasa P500 to P600 ang halaga ng sibuyas sa mga wet market at supermarket samantalang ang mga prutas at gulay ay nasa P15-20 na mas mura sa Kadiwa on Wheels kaysa sa mga pamilihan.

Dahil dito, alas-7 pa lang umaga ay pumila na ang mga tao at tuwang-tuwa sa presyo ng mga produkto.

“Malaking tulong ito sa aming mga mamamayan. Lalo’t lalo na ramdam natin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Malaking bagay na makakabili ng dekalidad na produkto sa murang halaga. Itong Kadiwa truck galing ng Department of Agriculture at Office of the President ay iikot twice a week sa mga barangay sa San Juan,” ani San Juan City Mayor Francis Zamora.

Nag-host na ang San Juan City ng ilang pagbisita sa Kadiwa noong nakaraang taon kasama ang “Kadiwa ng Pasko” noong Nobyembre 16, Nobyembre 29 at Disyembre 22.

Naging big hit sa mga San Juaneño na bumili ng lahat ng sariwang ani sa oras ng tanghalian, ilang oras bago ang mga nagbebenta ay dapat magsara ng tindahan.

“Kausap ko rin ‘yung mga sellers natin at masaya sila dahil nawala na ‘yung middleman, iba talaga kapag nadadala ng direkta ang produkto sa end user, mas bumababa ang presyo ng bilihin,” paliwanag ni Zamora.

Gayundin, sa loob ng Linggong ito, isa pang barangay sa San Juan ang bibisitahin ng Kadiwa Truck. ELMA MORALES