SARIWANG GULAY PARA SA MGA FRONTLINER, PAMILYANG APEKTADO NG ECQ

Sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (Covid-19), isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) sa loob ng dalawang buwan ang buong Luzon at marami pang lugar sa bansa.

Bagama’t ito ay kinakailangang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus sa bansa, hindi maikakailang maraming kapus-palad at maliliit na negosyante ang higit na apektado ng pansamantalang pagsasara ng mga negosyo sa panahon ng ECQ.

Kabilang na rito ang mga magsasaka sa Cordillera province na nalulugi dahil hirap silang ibenta ang lahat ng kanilang mga gulay.

Sa kabilang banda, kinakailangan ng ating mga bayaning medical frontliner ng sapat na nutrisyon upang patuloy nilang magampanan ang kanilang tungku­ling alagaan ang mahigit 14,000 na tinamaan ng Covid-19.

Ang mga pamilya namang walang sariling tahanan ay nanga­ngailangan din ng masustansiyang pagkain habang sila ay pansamantalang nakatira sa iba’t ibang temporary shelters na itinalaga ng mga lokal na pamahalaan.

Para tulungan ang mga magsasaka, at tugunan ang panga­ngailangan ng mga frontliner at evacuees, pinakyaw ng One Meralco Foundation (OMF) ang mahigit dalawang toneladang sariwang gulay mula sa Cordillera, at pinamahagi sa iba’t ibang ospital at evacuation centers sa mga lugar na saklaw ng serbisyo ng koryente ng Manila Electric Company (Meralco).

Kabilang sa mga nabiyayaan ng proyektong “From Farmers to the Frontliners” ng corporate foundation ng Meralco ay ang Cardinal Santos Medical Center, Las Piñas General Hospital, Pagamutan ng Dasmariñas, Pasay General Hospital, Philippine General Hospital, Research Institute for Tropical Medicine, Taguig Pateros District Hospital, at The Medical City.

Nakatanggap din ng kilo-kilong sariwang gulay ang mga mahihirap na pamilyang pansamantalang nakatira sa mga temporary shelters sa Maynila, Quezon City at Las Piñas.

Bukod dito, tuloy tuloy rin ang pamimigay ng OMF ng care packages sa mga mahihirap na komunidad, at personal protective equipment (PPE) para sa mga frontliner sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.

Sa katunayan, mula nang ipatupad ang ECQ, mahigit 5,000 care packages na ang naipamahagi ng OMF. Samantala, namahagi rin ito ng 8,900 pares ng surgical gloves; 4,300 face masks; 1,360 goggles; 1,000 face shields; at 920 protective suits para sa mga frontliner ng iba’t ibang ospital at local government units.

Nakipagtulungan din ang OMF sa Caritas Manila upang mabigyan ng tig-iisang libong halaga ng ayuda ang mga mahihirap na pamilya. Naglaan ito ng mahigit 1 milyong pisong donasyon ng mga kawani ng Meralco para sa programang ito.

Nagdonate din ng 20 desktop computers ang Meralco sa Philippine Genome Center na nagsisilbing Covid operations center ng iba’t ibang volunteer groups mula University of the Philippines system.

Comments are closed.