BILANG suporta sa mga lokal na magsasaka, lumagda sa isang direct procurement agreement ang Bicol Medical Center (BMC), na pinakamalaking ospital sa rehiyon, sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Sa ilalim ng kasunduan, direktang magsusuplay ang mga agrarian reform beneficiaries ng kanilang mga sariwang ani sa BMC, kabilang ang mahigit 3,000 pasyente at empleyado nito.
Kabilang dito ang bigas, gulay, root crops, at iba pang produkto mula sa tatlong lokal na organisasyon ng mga magsasaka — ang Panicuason Farmers Association, Siembre Agrarian Reform Beneficiaries Organization, at May-Ogob Agrarian Reform Cooperative.
Ayon sa DAR, sa pamamagitan ng inisyatibang ito, hindi lamang mabibigyan ng oportunidad ang mga magsasaka, kundi tinitiyak din nito na mayroong patuloy na suplay ng abot-kayang halaga ng sariwang pagkain ang ospital.
Noong 2022, nakabili ang BMC ng mahigit P1.4 milyong halaga ng mga produktong pang-agrikultura sa pamamagitan ng katulad na kasunduan.
Ang kolaborasyong ito ay bahagi ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) Program, isang inisyatiba ng pamahalaan na inilunsad noong 2016 upang tuluy-tuloy na mabawasan ang kahirapan at gutom sa buong bansa.
PAULA ANTOLIN