SASAKYAN BUMANGGA SA PUNO: 2 PULIS SUGATAN

catanauan

QUEZON – SUGATAN ang dalawang pulis  makaraang bumangga sa isang puno ang sinasakyan nilang kulay maroon na Toyota Revo (SUV) na may plakang TWG-360 nitong Huwebes ng gabi sa matarik at  kurbadang daan  sa may bahagi ng Barangay San Roque, bayan ng Catanauan.

Kinilala ang mga biktima na sina Staff Sgt. John Herbert Corona, 41-anyos na siyang nagmamaneho ng sasakyan at ang mga pasahero na sina Staff Sgt. Mira Loren, 42-anyos, Staff Sgt. Neil Ian Nieves, 44-anyos at Corporal Dustin Delo, 29-anyos, pawang mga naka-assigned sa Intelligence at miyembro ng Mulanay Municipal Police Station.

Base sa report ng Catanauan Municipal Police Station, patungo ng Buenavista-Catanauan Road  ang sinasakyan ng apat na pulis nang mangyari ang aksidente at nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan si Loren habang nagkaroon naman ng minor injury si Delo at masuwerte naman na hindi gaanong nasaktan sina Nieves at Corona.

Agad na dinala sa Bondoc Peninsula District Hospital si Loren dahil sa mga tinamong sugat sa iba’t ibang parte ng katawan bago inilipat sa MMG Hospital sa Lucena City na kasalukuyang nasa ICU.

Ayon naman kay Mulanay PNP OIC Chief of Police Major Joseph Ian Java, magsisilbi sana ng warrant of arrest ang kanyang mga tauhan sa isang suspek na may kasong attempted murder na nagtatago sa bayan ng Catanauan nang mangyari ang aksidente.

BONG RIVERA