NUEVA VIZCAYA- ITINANGGI ng pamunuan ng PRO2 na pulis ang mga sangkot sa paglikida kay Aparri Vice Mayor Rommel G. Alameda at sa lima nitong kasamahan nang pagbabarilin kahapon ng umaga sa bahagi ng National Highway sa Sitio Kinacao, Barangay Baretbet, Bagabag sa lalawigang ito.
Sa pamamagitan ng PRO2 Regional Public Information, naglabas ng media statement si Acting Regional Director Brig. General Percival Rumbaoa at sinabing mga impostor o pekeng pulis ang mga salarin para lamang iligaw ang imbestigasyo o lituhin ang ginagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad.
Ginawa ni Rumbaoa ang paglilinaw matapos makita ang mga salarin na nakasuot ng pixelized PNP Uniform at sakay ng red plate vehicle na SFN-713 na agad na nagbuo ng Special Investigation Task Group para matutukan ang imbestigasyon.
Ang limang iba pang kasamahan ni Alameda, 49-anyos na maaring idinamay sa krimen ay kinilalang sina Alexander delos Angeles, 47-anyos; Alvin Abel, 48-anyos; Abraham Ramos Jr., 48-anyos, pawang mga residente ng Minanga, Aparri at John Alameda, 46- anyos na residente ng Centro 14 Aparri na siyang driver ng sinakyan nilang van na may plakang KOV-881.
Pawang ulo ang tama ng mga biktima na unang niratrat pagdating sa harapan ng MV Duque Elementary School sa nasabing lugar.
Nabatid na planado ang krimen dahil nilagyan ng barikada ang harapan ng eskuwelahan para matiyak na magdahan-dahan ang sasakyan ng mga biktima pagdating sa lugar.
Tumakas ang mga salarin patungo sa direksiyon ng Solano, Nueva Vizcaya na siyang susunod na bayan sa Bagabag.
Umaapela ang pamunuan ng Valley Cops sa publiko na makipagtulungan sa pulisya para mabilis na malutas ang krimen at mabigyang hustisya ang anim na biktima.
Samantala, narekober kahapon ng madaling araw ang getaway service vehicle ng mga suspek na sinunog na ang kulay puting Mitsubishi Adventure na may plakang SFN-713 sa bahagi ng Uddiawan Solano, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Bagabag Chief of Police Major Oscar G. Abrogena sinunog muna ang sasakyan bago tumakas ang mga suspek at kung saan magaling ang taktika ng mga salarin dahil nagsuot sila ng PNP Uniform para hindi agad pagdudahan ng mga tao kahit man makakasalubong nila ang mga ito.
Nalaman kay Abrogena na nasalubong ng mga nagrespondeng tropa ng Bagabag Police Station ang sinakyan ng mga suspek na noon ay patungo na ng Timugang direksiyon diretso ng Solano Nueva Vizcaya.
Sa unang tingin, walang mag-aakala na mga masasamang loob ang mga suspek dahil sa red plate ang ginamit na sasakyan kung saan nagsilbing camouflage sa mga papatakas na salarin gayundin ang pagsusuot ng mga suspek ng PNP uniform.
Nauna nang naitimbre sa Bagabag Police Station na may mga nakatambay na armadong lalaki sa lugar na sila ang responsable sa madugong krimen.
Naniniwala si Abrogena na sinunog ang sasakyan para wala ng makuhang ebidensiya ang mga pulis tulad ng finger print maliban na lamang sa chassis at engine number ng sasakyan. IRENE GONZALES