SASAKYAN NAHULOG SA IRRIGATION: 2 PATAY

CORDILLERA-PATAY ang dalawang empleyado ng Provincial Local Government Unit ng Kalinga matapos mahulog sa irrigation canal ang kanilang sinasakyang kotse sa boundary ng Brgy. Calanan at New Tanglag, Tabuk City, Kalinga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Marlon Agnaya, empleyado ng Office of the Provincial Administrator at Gerald Gagelonia, nurse ng Kalinga Provincial Hospital (KPH).

Ayon sa mga awtoridad, una rito ay isang Nissan Altera na palutang-lutang ang nadiskubre bandang alas-6 kahapon ng umaga ng mga kasapi ng 50IB PA na nirespondehan naman ng mga personnel ng CDRRMC, PNP- Tabuk at KPPO kasama ang BFP.

Nagtungo rin sa pinangyarihan ng insidente si Raul Labawan, may-ari ng isang restobar, kung saan kinumpirma niya na nanggaling sa kaniyang restobar ang dalawang nasawi at umalis pasado alas-11 ng gabi.

Dinala ang bangkay ng dalawang biktima sa hospital bago dinala sa punerarya. IRENE GONZALES