INIHAYAG ni House Secretary General Reginald Velasco na ang House of Representatives ay hindi naglabas o nag-awtorisa ng anumang opisyal na plaka ng sasakyan para sa kanilang mga miyembro.
Ang pahayag ay ginawa ni Velasco, kasunod ng ulat na may mga sasakyang may plakang ‘8’ ang nahuhuli ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dahil sa paglabag sa EDSA Busway Lane rules.
Kabilang umano ang sasakyan ng isang Cong. Christopher Co, sa mga nahuli, ngunit napag-alamang wala nang ganitong pangalan ng kongresista sa Kamara.
“The House of Representatives has not released, or authorized the use of, official plates for vehicles of House Members,” ayon pa kay Velasco.
Kaugnay nito, hiniling ni Velasco sa Land Transportation Office (LTO) at sa MMDA na kaagad na hulihin ang mga driver ng mga sasakyang may plakang ‘8’ at kumpiskahin ang mga naturang expired at pekeng plaka.
“I am seeking representation with the Land Transportation Office and the Metro Manila Development Authority to apprehend the drivers of vehicles bearing “8” plates and confiscate the expired or spurious plates,” ani Velasco.
Nabatid na matagal nang paso ang mga naturang plaka, na inisyu pa noong 16th Congress para sa mga miyembro nito.
Gayunman, para sa 19th Congress ay hindi umano naglabas ng ganitong plaka ang pamunuan ng Kongreso.