(Sasalubong sa Bagong Taon)BIG-TIME ROLLBACK SA PRESYO NG LPG

MAY malaking tapyas sa presyo ng liquefied petroleum gas o LPG simula sa Enero 1, 2023.

Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau director Rino Abad, inaasahang papalo sa mahigit P4 kada kilo ang magiging rolbak sa presyo ng LPG.

“May decrease po tayo, medyo malaki po ito, nasa— aabot ng sobra P4 po ang per kilogram… ‘Yan po ay sa January 1. Ine-expect po natin ‘yan,” ani Abad.

Samantala, inaasahan naman ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sinabi ni Abad na may posibilidad na umabot sa P1 hanggang P2 kada litro ang price hike sa gasolina.

“Well, posible pong umabot ng P2. Posible lang po, ine-estimate pa natin ito. Meron pa tayong Friday trading price,” sabi ni Abad.

Ang presyo ng diesel ay maaari namang tumaas din ng P2 kada litro habang ang kerosene ay mahigit sa P2 kada litro.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad ­kinabukasan.

Noong nakaraang Martes, Disyembre 27, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.95 at kerosene ng P0.50, habang ang presyo ng kada litro ng diesel ay bumaba ng P0.20.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Disyembre 20, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P13.95, diesel ng P27.50 at kerosene ng P20.80.