(Sasalubong sa bisperas ng Pasko) P1.45/L PRICE HIKE SA DIESEL, P0.50/L SA GASOLINA

KASADO na ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Disyembre 24.

Ito na ang ika-5 sunod na linggo ng taas-presyo para sa gasolina, at ikalawa para sa diesel at kerosene.

Sa isang advisory, sinabi ng Shell Pilipinas Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.50, diesel ng P1.45, at kerosene ng P0.75.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong price hike, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang adjustments sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na magtataas ng presyo sa alas-4 ng hapon ng parehong araw.

Nauna rito ay itinaya ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) ang pagtaas sa presyo ng gasolina, diesel, at kerosene, sa gitna ng patuloy na armadong tunggalian sa Middle East, at ng production cuts ng oil-producing countries.

Noong nakaraang linggo, Disyembre 17, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.80, at kerosene ng P0.10.

Year-to-date, ang gasolina ay tumaas na ng P12.55 kada litro, at diesel ng P8.95 kada litro, habang ang kerosene ay nagtala ng net decrease na P2.55 kada litro hanggang December 17, 2022.