INIREKOMENDA ng isang ranking member ng minority bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang paglalaan ng pondo ng Department of Education (DepEd) para magkaroon at makagamit ang ahensiya ng ‘broadband global area network’ o BGAN.
Ayon kay House Assistant Minority Leader at Una Ang Edukasyon (1-Ang Edukasyon) partylist Rep. Salvador Belaro Jr., kabilang sa nagpapabigat sa mga responsibilidad na pinapasan ng public school teachers ay ang problema sa ‘internet access’.
Pinuna ng partylist lawmaker ang pagkakaroon ng obligasyon ng mga pampublikong guro, na tinatawag ng liderato ng DepEd bilang ‘administrative requirements’ ng mga ito, na kinabibilangan ng pagsusumite ng daily lesson logs (DLLs), pagpa-file ng report sa Learners’ Information System (LIS), bukod pa sa pagkakaroon ng ‘Saturday classes’, regular meetings at pagtalima sa ‘Results-Based Performance Management System’.
“DepEd should not expect our public school teachers to focus more on the learning of their students, if they are burdened with all these administrative tasks of filling up forms, writing up reports, and spending hours on the internet just trying to access the LIS.” diin pa ni Belaro.
Tahasang sinabi ng mambabatas na sa pag-aatas sa mga guro sa public schools na ‘online submission’ ng iba’t ibang reports na pinagagawa sa kanila, tila hindi umano naikonsidera ng DepEd ang katotohanang kung hindi man mabagal ay hindi lahat ng lugar sa bansa ay mayroong kaukulang internet service.
“One important factor slowing down the reportorial tasks of teachers is the slow internet connections they have and the overworked servers of the DepEd LIS or learner information system, which thousands of teachers have complained about,” ani Belaro.
Bunsod nito, hinimok ng minority legislator, na miyembro rin ng House Committee on Higher and Technical Education, ang naturang kagawaran na mag-invest sa ‘global satellite network’. ROMER R. BUTUYAN