MAGANDA ang ipinagkaloob na satisfaction rating ng mga nakararaming Filipino sa mga sangay ng pamahalaan base sa pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) nitong huling quarter ng taong 2018.
Base sa SWS survey, tumaas ng isang grado patungong ‘very good’ o +58 mula sa +48 noong Setyembre o ikatlong quarter ang Senado.
Sinasabing ito na ang pinakamataas na satisfaction rating na nakamit ng Senado mula rin sa ‘very good’ na +67 noong August 2012.
Tumaas naman ng apat na puntos ang rating na nakuha ng House of Representatives mula sa +36 noong third quarter ay umakyat ito sa +40 kaya nanatili itong ‘good.’
Ito rin umano ang pinakamataas na rating ng mababang kapulungan mula noong Hunyo 2016 na +42 na nasa klasipikasyon ding good.
Samantala, ang Korte Suprema ay nagpakita rin ng magandang performance nang tumaas ito ng anim na puntos mula sa +31 ay tumaas ang satisfac-tion rating sa +37 o nasa gradong ‘good’ para sa huling bahagi ng 2018.
Ang Gabinete naman ay nagtala ng +35 na satisfaction rating mula sa +32 noong Setyembre.
Ito ang pinakamataas para sa Gabinete simula sa +38 noong Disyembre 2017.
Isinagawa ang survey mula Disyembre 16 hanggang 19 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,440 adults sa buong bansa. VERLIN RUIZ
Comments are closed.