HINDI na kinakailangan pa ng mga senior citizen, mga taong may kapansanan o persons with disabilities at mga buntis na magtungo sa field offices ng Commission on Elections (Comelec) para magparehistro at makaboto sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).
Alinsunod kasi sa Comelec Resolution No. 10417, na may petsang Setyembre 5, 2018, ay ibinabalik nang muli ng Comelec ang pagdaraos ng satellite registration activities sa mga mall sa buong bansa.
“Holding registration activities in malls have always been appreciated by the public. It makes the process more accessible and comfortable for them. Senior citizens and PWDs are especially benefited because waiting in malls is typically less stressful,” ani Comelec Spokesperson James Jimenez.
Ayon kay Jimenez, bago inisyu ang naturang resolusyon, idinaraos lamang nila ang mga satellite registration activities sa mga barangay hall at ang naa-accommodate lamang dito ay yaong mga nakatira malapit sa bisinidad.
Ngayon aniyang may mall voters registration nang muli, magiging mas kumbinyente na at mas accessible na ang pagpaparehistro sa mas maraming registrants.
Maglalaan din ang Comelec ng express lane para sa mga matatanda, mga taong may kapansanan, mga buntis, at sinuman na maaaring mangailangan ng kahalintulad na akomodasyon.
Maglalagay rin umano ng mga day care center ang Comelec para sa benepisyo ng mga magpaparehistrong kababaihan, na may kasamang maliliit na bata.
Tatanggap anila sila sa mall registration ng mga bagong registrants, gayundin ng mga botanteng nais na magpa-transfer, transfer with reactivation, reactivation, change/correction of entries, at maging ng inclusion/reinstatement of records sa listahan ng mga botante.
Nilinaw naman ng Comelec na hindi lahat ng mall ay eligible at maaaring mag-host ng satellite registration activities, dahil hindi pinapayagang magdaos nito ang mga mall na pagmamay-ari, inuupuhan o inookupahan ng sinumang opisyal ng gobyerno, o incumbent city, municipal, o barangay official, o sinumang indibidwal na may kaugnayan sa sinumang city, municipal, o barangay official na nasa fourth civil degree ng consanguinity o affinity, o lider ng alinmang political party, grupo, o paksiyon, o ng alinmang gusali, na nasa ilalim ng aktuwal na control ng alinmang political party o relihiyosong organisasyon.
Pinaalalahanan ng poll body ang mga aplikante na magbitbit ng orihinal at photocopy ng kanilang balidong dokumento na kinakailangan sa pagpaparehistro, tulad ng identifications cards, birth certificate, marriage contract at court order.
Ang voter registration ay sinimulan noong Hulyo 2, 2018 at magtatagal hanggang sa Setyembre 29, 2018. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.