PINALAYA sa kustodiya ng pulisya ang dating mambabatas na si Satur Ocampo at 17 iba pa sa kasong kidnapping.
Nakapagpiyansa ang kampo ni Ocampo, ACT Teachers Representative France Castro at 16 iba pa na inaresto sa kasong kidnapping at pagkabigo umanong maibalik ang 14 menor de edad noong Nobyembre 29.
Ayon sa makakaliwang human rights group na Karapatan, sina Ocampo at Castro ay nagsasagawa ng humanitarian mission kasama ang mga guro sa Lumad schools.
Pinayagan ng Office of the Executive Judge ng Taguim City, Davao del Norte sina Ocampo na magpiyansa nitong Sabado.
Kabuuang P1.44 milyon ang ipinosteng piyansa ng abogado ng grupo na si Atty. Joel Mahinay sa kasong human trafficking, kidnapping and failure to return a minor.
“We clearly and categorically declare that the P80,000.00 cash bond posted by all the above-named respondents is for the cases they are charged and are pending before the Provincial Prosecutor’s Office. The Police Officer or Military personnel or anybody who has custody of the above-named respondents are ordered to release them from custody and detention,” nakasaad sa order ni Executive Judge Arlene L. Palabrica.
Sinabi ni Palabrica na kinukuwestiyon ng isang police officer at abogadong nagngangalang Padillo ang mga pulis sa Davao del Norte police stations sa pagpapalaya sa akusado gayong ginagawa pa ang preliminary investigations.
Sinani ni Palabrica na hinangaan nito ang pagtupad sa tungkulin ng puwersa ng pulisya, subalit ang rules sa Criminal Procedure ay nakasaad na kahit na sino na nasa kustodiya at hindi pa nakakasuhan sa korte ay maaring magharap ng piyansa.
“Finally, as the above-named respondents are still presumed innocent and no information have been filed against them, their supreme right to liberty must be upheld,” dagdag ni Palabrica. CNN Philippines
Samantala, pinabulaanan ng Philippine National Police sa Davao Del Norte na tinangka nilang harangin ang pagpapalaya sa grupo nina Ocampo.
Ayon sa report na ipinarating ni Davao Del Norte Police Provincial Director P/Sr.Supt. Ferlou Silvio sa kanilang punong himpilan na may tatlong kaso silang isinampa laban sa grupo nina Ocampo kaya nagkaroon ng kaunting argumento kaugnay sa inilabas na desisyon ni Judge Palabrica.
Sinasabing base sa naging appraisal ng legal counsel ng PNP, sa isang kaso lamang maaring makapag-bail ang grupo ni Ocampo, kaya mayroon pang dalawang kasong kahaharapin ang mga ito, dahilan para hindi muna nila pinakawalan ang grupo ng dating mambabatas.
Bunsod ng nasabing legal arguments ay nagpasya si Judge Palabrica na maglabas na lamang ng supplemental order kung saan pinagsama-sama ang tatlong kaso sa itinakdang piyansa sa bawat isa kaya tuluyan nang nakalaya ang grupo ng dating mambabatas.
“So nilahat na po ‘yun sa kasong ‘yun ang kanilang pag-bail. Kaya ho natagalan ho ‘yun kasi mayroon pa hong mga oral arguments na ginawa. So nu’ng lumabas po ‘yun, nagpalabas si Judge Palabrica ng supplemental order kasi ang una po is ‘yung 7610 lang,” pahayag ni Silvio.
Paglilinaw ng opisyal na ito ang naging dahilan kung bakit natagalan ang pagpapalaya sa grupo ni Ocampo.
Pinabulaanan din ng Armed Forces of the Philippines at ng PNP na sinundan ng militar at pulis ang grupo ni Ocampo habang bumibiyahe papuntang Davao. VERLIN RUIZ
Comments are closed.