SATUR OCAMPO, PARTYLIST REP INARESTO

Satur Ocampo

DAVAO DEL NORTE – INARESTO ng Philippine National Police (PNP) si dating congressman Satur Ocam­po at ACT Partylist Representative  France Castro sa kasong human trafficking o paglabag sa RA 7610.

Ayon sa Talaingod PNP, nasabat sina Ocam­po at Castro sa isang checkpoint ng pinagsanib na puwersa ng PNP at Philippine Army ka­makalawa, Miyerkoles  ng gabi.

Sa  impormasyong nakalap mula sa PNP Region 11 at Army 10th Infantry Division G7 commander Col. Demi Zagala, sina Ocampo at  Castro kasama ang 19 na  iba pa ay kinasuhan ng Talaingod PNP dahil sa paglabag sa RA 7610 or “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” dahil sa pagkuha at pagdadala sa 14 menor papunta sa  Maco Compostella Valley.

Sinasabing kasama nina Ocampo ang mga kabataan na umano’y mga mag-aaral ng  ipinasarang Salugpungan School ilang araw ang nakalilipas sa basbas na rin ng Department of Education habang ang school closure ay alam din ng IP leaders.

Sinabi naman ni Capt. Jerry Lamosao ng DPAO 10th ID, naroon din ang administrator ng Salupungan School na si Miggy Nolasco at iba pang mga staff ng ACT partylist, at mga pastor mula sa United Church of Christ of the Philippine  Davao nang ipasara ang nasabing paaralan.

Pagdadahilan naman ng grupo nina Ocampo na sinusundan sila ng mga tauhan ng Alamara paramilitary group kaya dumiretso muna sila sa Talaingod police station.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.