TINITINGNAN ngayon ang posibilidad na magkaroon ng klase ang mga estudyante tuwing Sabado bilang pambawi sa pagsuspindi sa mga klase dahil sa mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, napakahalaga ang make-up classes para makabawi sa kanilang pag-aaral ang mga estudyante.
Ikinokonsidera rin na palawigin ang oras ng klase sa gabi.
“Sinasabi namin na maghanda na, na iyong iba, Saturday classes na at saka yung iba, baka kailangan evening dahil depende sa availability ng teachers, depende sa availability ng facilities,” sabi ng kalihim.
Sa mga nagdaang bagyong Julian, Kristine at Leon, umabot sa 20,860,818 na estudyante at 883,822 na teachers at nonteaching personnel ang naapektuhan, bukod pa sa 42,099 paaralan.
Sa ulat ng Department of Education (DepEd), sa Calabarzon ang may pinakamaraming araw na nasuspindi ang mga klase sa bilang na 26, simula noong Agosto.
Ikinokonsidera rin ang pakikipagkasundo sa mga pribadong paaralan sa usapin ng pagbabawas ng bilang ng mga estudyante sa ilang pampublikong paaralan sa pamamagitan nang pagbibigay ng vouchers.