NANAWAGAN ang BBM-Sara UniTeam na agarang itayo ang isang ‘text helpline’ para sagipin ang mga ‘street kids’ sa gitna ng muling pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
Ayon kay Partido Federal ng Pilipinas (PFP) presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., mahalagang masagip agad ang mga ‘batang hamog’ dahil sila ang mas madaling madapuan ng sakit, lalo’t pinangangambahang umaatake na rin ngayon ang bagong variant na Omicron.
Nitong nakalipas na Pasko hanggang sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang pagdami ng mga kababayan nating namamalimos sa kalsada kabilang na ang mga kabataan na nasa murang gulang pa lamang.
Sinabi ni Marcos na isa sa nakikita nilang solusyon ng running-mate na si Inday Sara Duterte para mailigtas ang mga ‘batang hamog’ ay ang pagtatayo ng ‘Text Helpline’.
Aniya magiging bahagi nang programang ito ang lahat ng indibidwal at netizens upang ipaalam agad sa mga kinauukulan ang mga nakikita nilang mga ‘batang hamog’ sa kalsada na kailangang iligtas at kalingain.
“Magiging mabilis ang aksyon dito kasi kahit sinong netizen o kababayan natin ay puwede silang kunan sa cellphone. Ipo-post nila ito sa itatayong ‘Helpline on-line’ o kaya ibigay ang eksaktong lokasyon at doon ay makakaresponde agad ang LGU, pulisya at nakasasakop na barangay,” sabi pa ni Marcos.
Sinabi ng BBM-Sara UniTeam na mahalaga sa programang ito ang masinsinang ugnayan sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Information and Communications Technology (DICT), PNP, LGUs at mga barangay officials.
“Talagang nakapag-aalala dahil mabilis ang pagtaas ng bilang ng Covid cases natin. Lalo akong nag-aalala dahil mas ‘vulnerable’ ang mga kababayan nating pagala-gala sa kalsada kaya dapat ay mailigtas agad natin sila,” ani Marcos.
Ayon sa kanya kung magtutulungan ang national government, local government units hanggang mga barangay officials, upang mas madaling matunton ang mga ‘street kids’ dahil pakalat-kalat ang mga ito sa kalsada.
“Iyong iba’y nakikita ring mga natutulog sila sa iba’t ibang parke sa Metro Manila na madalas ay isang pamilya na may kasama ring sanggol o mga batang paslit,” dagdag pa niya.
Isang dating senador, si Marcos ang co-author ng Republic Act 10821, na lalong kilala sa tawag na Children’s Emergency Relief and Protection Act, na naglalayong bigyan ng proteksiyon ang mga kabataan, sa lahat ng pagkakataon lalo na kung may mga kalamidad at iba pang sitwasyon na maglalagay sa kanila sa panganib.
“Hindi dapat ipagwalang bahala ang anumang karapatan ng mga bata sa kahit ano pa mang sitwasyon,” paliwanag pa ni Marcos.
Para naman kay Sara, dapat ay magkaroon din ng ‘long term plan’ kung paano alagaan, kalingain at bigyan ng nararapat na tulong ang mga maililigtas na ‘batang hamog.’
“Bigyan natin sila ng disenteng tirahan. Maayos na edukasyon, makabuluhan at produktibong programa. Dapat ay masiguro natin na magkakaroon sila ng maayos na edukasyon upang masiguro natin ang kanilang maayos na kinabukasan,” pahayag ni Sara.