MATAPOS ang sunod-sunod na aberya sa operasyon ng MRT, nabulabog naman ang mga pasahero sa isang sawa na nakitang nakapulupot at tila nakaabang sa hagdan ng Ayala Station sa lungsod ng Makati.
Nagtakbuhan ang ilang mga pasaherong takot na matuklaw ng nasabing ahas na nakapulupot pa sa handrailing na hawakan ng mga pasaherong pababa sana ng Ayala station.
Ang iba naman ay nakuha pang kunan ng litrato at video ang ahas na hindi pa malaman ang dahilan kung paano napunta sa lugar.
Hinala naman ng mga security ng MRT na marahil ay sinadya itong iwanan sa handrailing ng mga taong walang magawa upang magdulot ng sindak o nais lamang makapanakot.
Sinabi pa ng mga security na wala silang makitang puwedeng gapangan ng ahas upang makarating sa itaas na bahagi ng estasyon.
Hinuli na lamang ng mga tauhan ng security ang ahas at inilagay sa sako upang i-turnover sa ahensiya para sa wildlife preservation. BENJARDIE REYES
Comments are closed.