MAINIT na usapin na naman ngayon ang agricultural smuggling.
Bago pa man sumampa sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., marami nang nananawagan na puksain ito.
Hindi biro ang suliraning naturan.
Malalaking tao raw kasi ang sangkot.
Idinadawit pati ang mga opisyal sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC).
Aba’y hindi lang basta mga karaniwang empleyado sa DA at BOC ang itinuturong suspected smugglers, namamayagpag din daw sila bilang mga protektor.
Tuloy, maging ang mga matataas na opisyal mismo ay nakakaladkad.
Nagkaroon pa nga ng imbestigasyon sa Senado ukol sa malawakang agricultural smuggling.
May lumabas ding listahan sa committee report kung saan maging ang malalaking opisyal ay napasama.
Dawit din daw ang ilang mga taga-Bureau of Plant Industry at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ngayon, mukhang nasa tamang landas naman ang BOC dahil bago na ang kanilang pinuno sa katauhan ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Central Visayas director Yogi Ruiz.
Malaking hamon ang kinakaharap ni Ruiz bilang acting Customs commissioner.
Mataas nga lang kasi ang expectations sa kanya ng mga tao.
Bantog ang BOC na pinaka-corrupt na tanggapan.
Noon pa man ay napabalita nang maski ang isang janitor at pulis sa ahensiya ay nagkakamal ng malaking salapi kada buwan.
May isang janitor daw na nagmamay-ari ng ilang pinto ng paupahang apartment at may mga kotse pa.
Hindi na rin daw bago ang kalakaran d’yan na tinatawag na ‘tara’ kung saan ay nagpaparte-parte ng kita ang mga tiwaling opisyal at empleyado.
Kumbaga, “centralized” daw ang kitaan nila.
Subalit kumakasa si Ruiz sa hamon sa kanya bilang bagong BOC head.
Tuloy-tuloy naman kasi ang mga operasyon nila laban sa mga smuggler.
Katunayan, mula Enero hanggang Agosto 7, 2022, nasa 66 kahon ng mga agri product ang nakumpiska nila na tinatayang nagkakahalaga ng higit P700 milyon.
Aabot sa 25 criminal cases ang naisampa ng BOC sa Department of Justice (DOJ) laban sa 71 indibidwal na kinabibilangan ng ilang importers, exporters, at customs brokers dahil daw sa iligal na importasyon at eksportasyon ng agri items na nagkakahalaga ng P186 milyon at may kabuuang customs duties at taxes na nasa P76 milyon.
Nagbabala si Ruiz na hindi titigil ang kanyang tanggapan hangga’t hindi nasusugpo ang mga sangkot dito.
Mas pinaiigting na raw ang intelligence at enforcement operations gaya na lamang ng walang humpay na pag-iinspeksiyon sa mga pantalan.
Sinabi ni Ruiz na gumagawa na rin sila ng paraan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng iba pang mga hinihinalang ismagler upang mapigilan ang kanilang operasyon.
Nakipagpulong din ang acting customs chief sa League of Associations of La Trinidad Vegetables para talakayin ang kalagayan nila na lubhang apektado ng agri smuggling.
Maging ang United Sugar Producers Federation (UNiFED) ay tiniyak naman daw ang suporta kay Ruiz sa kampanya nito laban sa smuggling ng asukal.
Ang isa pang magandang balita, aba’y gumagamit na raw pala ang BOC ng Electronic Tracking of Containerized Cargoes (ETRACC) system upang matiyak na ligtas ang bawat shipment at naihahatid sa dapat patunguhan ang mga agricultural good.
Nawa’y sa pag-upo na ito ni Ruiz ay malilinis ang BOC mula itaas hanggang sa ibaba.
Sa palagay ko, ito ang nararapat na gawin ng opisyal.
At mahalaga ring ipamalas ni Ruiz na seryoso siya sa kanyang mga ginagawa at hindi lamang ningas-kugon ang mga ito.