Halos dalawang dekada ang inubos ni Fe Rojales sa pagtatrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong. Napakaraming taon, ngunit wala siyang naipon dahil ipinadadala niyang lahat ang kanyang sinasahod sa kanyang pamilya. Kung meron man, kakaunti lamang. Ngunit napag-aral naman niya ang kanyang dalawang anak at naipagawa niya ang kanilang bahay.
May isang repercussion ang pagtatrabaho sa abroad — nagkakaroon ng lamat ang pagsasama ng mag- asawa, at hindi nakaligtas si Fe dito.
Nagkahiwalay silang mag-asawa at naging single parent siya.
Finally, naisipan na niyang umuwi na sa Pilipinas noong 2009 upang makabawi sa matagal nang pagkawalay sa mga anak.
Magnenegosyo na lamang siya.
“Matagal ko nang pangarap na magkanegosyo,” ani Fe. “Negosyante ang nanay at tatay ko. Siguro, sa kanila ako nagmana.”
Armado ng halagang P6,000 ay nagsimula si Fe ng maliit na tindahan sa harapan ng kanilang bahay.
“Naisip ko, maganda ang location namin dahil kanto,” aniya. Masasakop ko ang mga buyers sa dalawang barangay.”
Sa ngayon, ang dating anim na libong pisong puhunan ay umabot na sa mahigit isang milyong piso.
“Nakabili na rin ako ng kotse at isa pang bahay,” dagdag pa niya. “Hindi man ako swerte sa married life, sinwerte naman ako sa negosyo.”
Sa mga nagbabalak magnegosyo, payo ni Fe: “Sipag, tiyaga at focus ang sikreto,” aniya. “Dapat, hands-on ka sa negosyo, at dapat din, gusto mo ang ginagawa mo.
“Ako, personal talaga akong nag-i-inventory ng paninda. Ayokong pag may bumili, sasabihin kong wala. Pag ganoon, hindi ka na babalikan ng customer.”
Double 88 ang ipinangalan ni Fe sa kanyang grocery store dahil ayon sa Chinese Feng Shui, swerte ang number 8 dahil sumisimbulo ito sa walang katapusang swerte.
At parang sinwerte nga yata si Fe.
Bukas ang Double 88 Mula 7:00 am hanggang 1:00 am, Lunes hanggang Linggo. Walang break time dahil nagpapalitan sila sa pagtitinda — ngunit laging si Fe ang humahawak ng kaha.
Ano, magnenegosyo ka rin ba?
Six thousand pesos lang, magiging milyunaryo ka sa loob ng 15 taon.
RLVN