SA unang bahagi pa lamang ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ibinida na nito ang malawak na planong pang-imprastraktura ng kanyang pamahalaan.
Inilatag ang Build, Build, Build Program na layong magtatag ng road networks, mahahabang tulay, flood control at urban water systems, kasama ang mga pasilidad para sa public transport gaya ng mga port o daungan, airports o paliparan, at mga riles ng tren.
Malaki ang workforce na kinailangan para sa mga malalaking proyekto.
Ang unang nakinabang ay ang mga construction worker o ang mga mangagagawa na kadalasang hindi pinapansin kahit sila pa ang backbone o gulugod ng construction industry ng ating bansa.
Kung hindi ako nagkakamali, okupado ng construction industry ang 8.2% ng ating total employment sa buong kapuluan.
Taong 2016, noong wala pang pandemya, tinatayang 3.372 milyong construction workers ang nabigyan ng trabaho sa bansa o mas mataas ito ng 25% kaysa noong 2015.
Kaya bumaha ng trabaho nang pumasok ang BBB Program ng administrasyong Duterte.
Hindi maitatanggi na mahalaga ang imprastraktura dahil nakakatulong ito sa paglago ng ekonomiya.
Siyempre, natutulungan din nitong maiangat ang antas ng pamumuhay sa bansa.
Kung susuriin namang maigi, may iba-ibang klase ng imprastraktura.
Nariyan ang connectivity infrastructure na siyang nag-uugnay sa iba’t ibang lugar sa ating lupang sinilangan, kabilang ang mga malalayong probinsya.
Sa pamamagitan ng mga impraestrukturang ito, mas napapabilis ang usad ng kalakal at bentahan ng mga produkto.
Ngunit may mga mahahalagang proyekto na mukhang tuluyan nang makakansela tulad na lamang ng Philippine National Railways (PNR) Bicol project, Subic-Clark Railway Project (SCRP) at ang unang phase ng Mindanao Railway Project (MRP).
Mismong ang Department of Transportation (DOTr) ang nagkumpirma na umurong na ang China sa pagpopondo sa tatlong multibillion-peso railway projects.
Kasama sana ito sa iiwang legasiya ni dating Pangulong Duterte sa ilalim ng kanyang BBB Program.
Tagilid ang pamahalaan sa usapin ng pondo kaya’t malabo na raw na matuloy ito.
Maituturing na raw kasi na ‘withdrawn’ na ang aplikasyon na loan ng Pilipinas sa state-owned China Exim Bank.
Ang siste, gusto raw ng China na magkaroon ng tatlong porsiyentong interes sa uutangin ng Philippine government, mas mataas sa 0.01 porsyento na alok ng Japan.
Tinatayang P142 bilyong pondo raw ang kakailanganin para sa PNP Bicol project habang nasa P83 bilyon para sa Tagum-Davao-Digos na Mindanao Railway Project at P51 bilyon naman para sa Subic-Clark Railway project.
Ang nais sana ng gobyerno na tumbasan ng China ang interest rate ng Japan, bagay na ayaw ng mga Tsino.
Sa palagay ko, magkaiba talaga ang China at Japan dahil sadyang matulungin ang huli sa mga kaibigan o kaalyadong bansa.
Kahit noong mga nakaraang administrasyon, halos zero interest ang ibinibigay na loan ng Japanese government sa atin na ang tawag ay Official Development Assistance (ODA).
Naniniwala ako na naghahanap naman ng paraan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa panibagong negosasyon sa loan sa Beijing para sa development assistance loans.
Hindi nga lang maaaring pilitin ang China.
Aba, kung ayaw ng mga Tsino at gusto ng mas mataas na interes, mas maiging maghanap na lang siguro tayo ng ibang mauutangan.
Natatandaan ko pa na mismong pamahalaang Duterte rin naman ang nagsabi noon na kahit ang Aquino administrasyon ay nakaranas nang pagkaantala na tumagal ng dalawa hanggang tatlong taon bago umusad.
Halimbawa, sa Duterte admin lang gumulong ang iba pang mga proyekto ni dating Pangulong Noynoy Aquino tulad daw ng LRT 1 Extension at MRT 7.
Kaya nga, mahalagang matutukan ng bagong administrasyon ang infrastructure programs na maraming beses nang napatunayang nakakapagpausbong ng ating ekonomiya at maging ng ating tourism at labor sectors.
Malaking tulong ito sa mga probinsya dahil nagkakaroon ng demand para sa kanilang mga tourist spots at iba’t ibang mga produkto.