SAYANG ANG NAITATAPONG ANI

ISA NA namang nakalulungkot  na karanasan sa mga magsasaka  ang pagtatapon ng kahong kahong bell pepper sa Nueva Vizcaya.

 Nakapanghihinayang na ang mga ani ng mga magsasaka na sa halip na maibenta ay nauuwi sa basurahan.

Ang kahong kahong bell pepper ay itinapon na lamang sa gilid ng kalsada nang hindi  mai­benta ang mga ito matapos mabasa at mabulok.

Nalulusaw agad ang mga bell pepper kapag naulanan kaya  inabot ng lugi ang mga nagtatanim nito.

Mainam naman na hinimok ng municipal agricultural office ang mga magsasaka na  kumuha ng crop insurance program ng Philippine Crop Insu­rance Corporation (PCIC) para sa agarang tulong  sa ganitong insidente.

Dito na dapat papasok ang solusyon ng gobyerno sa mga sobrang ani ng mga magsasaka tulad ng paggamit ng cold storage, o imbakan ng mga sobrang ani.

Bawat pananim ng mga magsasaka ay may puhunan at ang inaasam asam na kita ay naglahong parang bula.

Dapat dito ang pangmatagalang solusyon sa tulong din ng gobyerno at turuan ang mga magsasaka ng tamang pag-iimbak  o drying ng kanilang mga hindi naibebentang ani.