SAYANG NA OPORTUNIDAD NI KAI SOTTO SA FIBA WORLD CUP

HINDI  ko lang maiwasan magbigay ng aking opinyon sa nangyayaring gusot sa preparasyon ng Gilas Pilipinas para sa nalalapit na FIBA World Cup. Ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay abalang abala ngayon sa kanilang preparasyon sa pag-host ng nasabing torneo.

Tandaan, hindi lamang preparasyon ng koponan Gilas Pilipinas ang ginagawa ng SBP. Sila ang punong abala sa lahat ng pangangailangan ng lahat ng mga bansa na kalahok sa FIBA World Cup.

Ang venue na paglalaruan, hotel accommodation, transportation, kasama na ang pagbenta ng mga ticket upang masiguro na matagumpay ang pag-host ng Pilipinas sa FIBA World Cup. Maliban dito ay kasabay rin ang pagganap ng FIBA World Congress kung saan marami ding mga delegasyon sa iba’t ibang bansa ang bibisita sa Pilipinas.

Subalit tila halos lahat ng mga Pilipino na basketball fan ay nakatutok kung sino ang mapipiling mga manlalaro ng Gilas Pinas na masasama sa final list na maglalaro sa FIBA World Cup.

Ito nga ang dahilan kung bakit puspusan ang pag-praktis ng lahat ng kasali o kandidato na kasama ngayon sa training pool ng Gilas Pilipinas. Ang magandang balita ay nakasisiguro na tayo na ang NBA superstar na si Jordan Clarkson ay nasa bansa at nakikipag-praktis na para sa Gilas.

Subalit tila nagkakaroon ng problema sa 7 ft 3 in center na si Kai Sotto na hanggang sa ngayon ay hindi pa alam talaga kung makakasali sa Gilas Pilipinas. Ito kasing si Sotto ay nagkaroon daw ng paninigas ng muscle sa kanyang likod noong siya ay naglaro sa NBA Summer League para sa Orlando Magic. Hindi masyadong nabibigyan ng sapat na oras o playing minutes si Kai sa nasabing torneo at hindi na pinagpatuloy maglaro sa nasabing koponan dahil nga daw sa iniinda niyang sakit sa likod.

Bumalik sa Pilipinas at nagpahayag na nais niyang maglaro sa Gilas Pilipinas subalit humingi ng kaunting panahon upang magpagaling. Sumang-ayon naman ang SBP. Ayon sa unang pinirmahang kontrata ni Kai ay dapat ay nagsimula na siyang magpraktis noong ika-24 ng Hulyo. Subalit hindi niya ito tinupad. Hindi siya nagpakita sa praktis. Humingi pa siya ng karagdagang oras upang magpagamot ng kanyang likod.

Hindi natin masisisi ang SBP ng humingi ng patunay sa kanyang kalagayan at kalusugan. Baka nakakalimutan ng iba, nagpapabayad si Kai sa SBP upang maglaro sa Gilas PIlipinas. Kaya naman nais din maniguro ng SBP sa tunay na kundisyon ni Sotto. Humihingi ang SBP ng medical certificate o resulta ng MRI niya upang makita ng mga doktor ang kanyang iniinda. Wala pong maibigay ang kampo si Sotto.

Ganun pa man ay hinabaan pa rin ng SBP ang kanilang pang unawa kay Sotto. Pero siyempre, kailangan na baguhin muli ang kontrata ni Sotto.

Mula noong Hulyo hanggang ngayon, wala pa rin na sinusumite ang kampo ni Kai Sotto na patunay na handang handa na siya at wala ng nararamdaman na sakit upang maglaro sa Gilas Pilipinas.

Haynaku. Tulad ng maraming nakakapuna sa kampo ni Sotto…pulos drama sila.

Sa totoo lang, ang mga tunay na mandirigma sa mga larong palakasan na nais magbigay karangalan sa kanilang bansa ay pagsasakripisyo alang alang sa Bayan. Kung talagang hindi kaya ni Sotto na maglaro at hindi nakapagsumite ng resulta ng kanyang MRI, dapat ay magkusa na siyang magsabi na hindi niya kayang maglaro.

Nakapanghihinayang lang ang sitwasyon ni Sotto. Nasa kanyang harapan ang oportunidad upang magpakita ng kanyang talento sa buong mundo bilang miyembro ng Gilas Pilipinas. Subalit tila ang mga humahawak sa kanya ay inuuna ang salapi bago karangalan.

Hindi natin maiaalis ang talento at tangkad ni Kai Sotto. Subalit hindi nangangahulugan na malaking kawalan si Sotto sa Gilas Pilipinas. Maraming manlalaro sa Gilas na kayang punuan ang kawalan ni Sotto. Sa drama na nangyayari rito sa pagitan ng SBP at ang mga humahawak kay Sotto, ang talo rito ay si Kai.