SAYAW TAYO! PAMPA-BATA NA PAMPA-SEXY PA

SAYAW

(ni NENET L. VILLAFANIA)

LAHAT na yata ng taong nakilala ko, takot tumanda – pati ako. Hindi dahil mangu­ngulubot ang balat at magkakaroon ng wrinkles. Kasi naman, habang tumatanda tayo, bumabagsak ang mental at physical fitness natin. Mas malala pa, may mga nagkakaroon ng Alzheimer’s disease kahit 30 years old lang.

Pero may good news tayo. May bagong pag-aaral na nagsasabing ang mga nakatatandang may routine ng ehersisyo ay nakababata sa ating utak, at ang pinakamabisa raw ehersisyo ay ang pagsasayaw.

True naman na kailangan natin ang exercise kahit hindi pa tayo senior citizens. Kailangan natin ito upang mapanati­ling malusog ang ­ating katawan at isipan. Pero sa pag-aaral na ito, pinatunayan nilang nakatutulong ang ehersisyo upang mapabagal ang rumaragasang wrinkles sa ating mga noo, at nakasasabay pa tayo sa millenials na sumasayaw ng hip-hop. Anynye! Joke lang po. Huwag namang hip-hop at baka mabali ang balakang ni lolo at lola. Tama na siguro ang zumba.

Dahil po hindi ako marunong sumayaw liban sa ethnic at folk dance tulad ng Igo­rot dance at siingkil, nagdesisyon akong biking na lang ang ­exercise ko. Puwede na rin. Pero perfect daw po ang dancing, kasi, sa pagsasayaw ay nagagamit ang lahat ng body parts mo, pati na ang utak mo. Ayon kay Dr Kathrin Rehfeld ng German center for Neurodegenerative Diseases, Magdeburg, Germany, may mga bahagi ng utak na ayaw tumanda kapag nagsasayaw. Sa sayaw kasi, kailangan ang coordination at hindi paggalaw lamang ng katawan.

May dalawang uri daw ng ehersisyo, ayon kay Rehfeld: ang pagsasayaw at endu­rance training – na kapwa nagpapalakas sa mga brain areas na madaling tumanda, na nagiging sanhi ng pagiging makakalimutin. Kung pagkukumparahin daw ang epekto ng dalawang ehersisyo, pagsasayaw pa rin ang mas epektibo.

Ilang nakatatanda na may edad 68 hanggang 75 ang nag-volounteer na makasama sa training at pag-aaral na may kinalaman sa pagsasayaw at iba pang ehersisyo, at sa development ng kanilang pag-iisip. May 18 buwan din silang sumailalim ng pag-aaral, kung saan linggo-linggo ay natututo sila ng dance routines, o endurance and fle­xibility training. Pare-pareho naman silang naging positibo sa paggana ng hippocampus region ng utak, ngunit mas maganda ang naging resulta ng mga nagsasayaw kesa mga nag-eehersisyo lamang. Mahalaga ang bahaging iyon ng utak dahil ang hippocampus region ay prone sa dementia o Alzheimer’s lalo na kung nagkakaedad.  Ito rin ang apektado kapag nagkakaroon ng amnesia, o sa kaso ng mga matatanda, sa pagiging makakalimutin – ganoon din para makabalanse ang katawan, bata man o matanda.

Okay naman daw ang excercise tulad ng pagbibisikletang ginagawa ko araw-araw, ngunit hindi pa rin nito kayang tapatan ang pagsasayaw – pero wala nga akong magagawa dahil parehong kaliwa ang a­king paa. Puwede raw naman ang “maski­paps” dance (maski papaanong steps puwede na), pero kakahiya naman. Baka mapagkamalan akong tuod na gumagalaw-galaw.

Puwede rin daw ang brisk walking at jogging – pero ano ang thrill nito? Walang aaraling steps. At bakit ka magmamadali kung wala ka namang pu-puntahan? Mas mabuti sigurong mag-aral na lang ng Kung Fu, o sumabay sa mga Chinese na nagpa-practice ng Kung Fu sa Luneta tuwing 5:00 AM. Ang Kung Fu kasi, parang sayaw rin. May steps.

Pero going back to dancing, paliwanag ni Dr Rehfeld, iba’t ibang sayaw ang ­itinuro nila sa mga senior citizen. May Jazz, Square Dance, Latin-Ame­rican at Line Dance. Itinuro nila ang steps, arm-patterns, formations, speed and rhythms, at lahat ng iyon ay pinapalitan nila every second week para magkaroon ng them in a constant learning process.

Ang pinaka-challenge nito ay ang maalala ang mga routine kahit pa under time pressure sila at walang cue mula sa mga instructor.

Iyon daw ang dahilan kaya naiiba ang sayaw kumpara sa karaniwang ehersisyo. Ang nasabing pag-aaral ay isinagawa para umano sa bagong fitness programs na may potensiyal na ma-maximize ang anti-aging effects sa utak. Naisip umano nila ang ganitong pag-aaral dahil ang mga nakatatandang may dementia ay nahihilig sa music at pagsasayaw. Nga­yon umano ay pinag-aaralan nila kung kaya bang gamutin ng sayaw ang naturang sakit – at kung hindi man, paano ito makatutulong upang pakalmahin ang mga may dementia.

Tama man o hindi ang pag-aaral na ito, alam ng lahat na magandang ehersisyo ang pagsasayaw, kaya nga nauuso ngayon ang zumba.

Hindi naipaliwanag kung makaaalis ba ng wringkles ang pagsasayaw – at sa palagay ko naman ay hindi dahil sa obvious reasons – pero alin ba ang mas importante, ang batang utak o ang batang mukha?

Mukha ka ngang bata, may Alzheimer’s disease ka naman, doon ka na lang sa may wrinkles na kayang umunawa.

Sabi nga ni Confucius, “The heart of a person who loves is always young.”

Hindi natin mapipigil ang pagtandang pisikal, pero puwede tayong manatiling bata ang puso at utak. (photos mula sa verywellfit.com, in-homecare.com at wpgforfree.ca)

Comments are closed.