HUMINGI ng paumanhin ang pamunuan ng P-pop idol boy group SB19 sa kanilang Facebook Live noong Huwebes, Enero 30, alas-6 ng gabi dahil sa hindi na natuloy ang kanilang dalawang magkasunod na concert sa Iloilo Convention Center, Iloilo City kahapon, Pebrero 1, 2020 at ililipat na lamang sa Abril 18.
Ito ay matapos na makitaan ng tigdas o “measles” ang dalawa nitong miyembro na sina Josh Cullen Santos, lead rapper, at Justin De Dios ang visual at maknae (bunso) ng grupo. Labis man ang kagustuhan ng SB19 na makapag-perform at makita ang kanilang mga tagahanga—ang A’TIN, dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinakailangan munang ipagpaliban ito.
Sa kasalukuyan, wala naman nang dapat na ipag-alala ang kanilang mga tagahanga tungkol sa kalusugan nina Josh at Justin dahil sa nagpapagaling na ang mga ito at inaalagaan ng kani-kanilang pamilya.
“As much as we would like to see every A’TIN on Saturday, we want everyone to not worry about their health that’s why they are currently recovering,” ayon sa inilabas na pahayag ng SB19.
Pinangunahan ang Facebook Live nina Mr. Robin “Tatang Robin” Geong, CEO ng ShowBT Korea, Adelaide “Hongganda” Hong, manager at nag-sisilbing tagapagturo ng SB19, at tatlong miyembro nito na sina John Paulo “Sejun” Nase, Stellvester “Stell” Ajero, at Felip Jhon “Ken” Suson.
“To all ticket holders, we will move the concert on April 18, same venue and same schedule (2PM at 5PM schedule). We are really sorry for the inconvenience caused. We promise to come back with better, if not best, performance,” pagtatapos na pahayag ng grupo. AIMEE GRACE ANOC
Comments are closed.