Let’s keep the fire burning
(ni AIMEE GRACE ANOC)
“BURNING up fire, ‘di na matatanggi.”
Sadyang hindi na maitatanggi pa ang patuloy na pag-angat ng kauna-unahang Ppop boy group sa bansa—ang SB19, sa ilalim ng pangangalaga ng isang Korean entertainment company, ShowBT. Sa loob lamang ng halos apat na buwan matapos na mag-viral ang kanilang dance practice video ng “Go Up”, 2nd single, at mai-post sa Twitter ay tuluyan nang nakilala at hinangaan ang grupo hindi lamang sa Filipinas kundi maging sa iba’t iba pang mga bansa.
Bago matapos ang taong 2019, bilang pasasalamat sa napakalaking suporta na kanilang natatanggap ngayon ay inumpisahan na ng SB19 ang kanil-ang libreng nationwide tour at sinalubong ang Kapaskuhan ng kanilang bagong single—ang “Alab”.
Ang “Alab” ang ikatlong digital single ng SB19 na nagbukas ng panibagong oportunidad sa kanila. Sa pamamagitan nito, inanunsiyo ng ShowBT ang kanilang partnership sa Sony Music Philippines, isang kilalang international record label. Ito ang kauna-unahang single ng grupo sa ilalim ng Sony Music Philippines.
Ipinahayag ni Roslyn Pineda, Sony Music’s GM Philippines and VP Business Development Asia, ang kanilang malaking pagsuporta kina Sejun, Josh, Stell, Ken at Justin para sa hinaharap. “I am beyond excited! Filipinos are natural performers and when it comes to training and discipline, nothing beats the Korean way. When you merge the two, you come up with something special–SB19. They’ve taken KPop and made it their own. Actually, our own, if you consider SB19’s official fanbase name A’TIN,” pagmamalaki nito.
Kapwa nasasabik na ang SB19 at ang kanilang management sa kalalabasan ng kanilang bagong kanta. At hindi nga nabigo ang grupo dahil bisperas pa lamang ng Kapaskuhan ay inabangan na ng kanilang mga tagahanga ang kanilang pagbabalik sa music charts. Likha ni Han Tae Soo at ngayon ay patuloy na mapakikinggan sa ilang digital platforms tulad ng Spotify, Deezer, Amazon Music, Google Play Music at marami pang iba.
“Alab”, ano nga ba ang kahulugan sa likod ng mga liriko ng kanta?
Ang “Alab” ay produkto ng passion ng SB19 hindi lamang para sa kanilang mga pangarap kundi maging sa “love”. Ipinapakita ng “fire” ang sidhi at init na kanilang maibibigay para sa kanilang mga minamahal. Ang “love” ay maaaring maging isang larong habulan, tulad ng pagtatangkang pagkuha ng atensiyon ng iyong hinahangaan.
Ang isang simpleng pagkagusto na maaaring mauwi sa mas malalim na paghanga na siyang magbibigay inspirasyon sa iyo upang gumawa ng aksiyon kahit na may takot na baka hindi ka magustuhan. Sumasalamin ang kanta sa pagnanais ng isang taong umiibig na harapin ang kanyang takot at kumilos para sa taong kanyang nagugustuhan.
“Here, we thought of fire as our burning desire, emphasizing that there’s no other way to confess your love but to tell the person directly, and that you shouldn’t waste time,” pagpapaliwanag ni Sejun, lider ng grupo, sa kanilang bagong kantang “Alab”.
Ang SB19 ay binubuo nina Josh Cullen Santos, 26, John Paulo “Sejun” Nase, 25, Stellvester “Stell” Ajero, 24, Felip Jhon “Ken” Suson, 22, at Jus-tin De Dios, 21. Nag-debut ang grupo sa kanilang kantang “Tilaluha” noong Oktubre 26, 2018 at nagsimulang makilala sa kanilang kantang “Go Up” noong Hulyo 26, 2019 na kasalukuyang may 4.5 million views sa YouTube.
Nito lamang Nobyembre, mas nakilala pa ang SB19 internationally nang mapasama at pumang-anim sa Billboard’s Next Big Sound Chart na su-musubaybay kada linggo sa “fastest accelerating artists”. Kinilala rin sila bilang “Favorite Group of the Year” ng RAWR Awards, at “Most Favorite POP Boy Group of the Year” ng PPOP Awards for Young Artist.
Dagdag pa rito, nakuha ng SB19 ang pinakamatagal na #1 spot sa MYX chart. Napasama rin sila sa “SBS PopAsia 100 Best Asian Songs of 2019” sa ika-62 na puwesto.
Nanguna rin ang SB19 sa listahan ng Google Philippines na “most searched male personalities” ngayong Disyembre. At sa pagtatapos ng taon, isang araw bago ang kanilang unang concert sa Maynila ay kinilala ang SB19 bilang kauna-unahang Filipino group na nag-debut sa Billboard Social 50 (ranking of the most active artists on the world’s leading social networking sites) kung saan nakuha ng grupo ang ika-28 na puwesto.
Ngayong araw, Disyembre 28, gaganapin ang kauna-unahang concert ng SB19 sa Maynila na dadaluhan ng mahigit sa 7,000 na supporters sa Cu-neta Astrodome, Pasay City.
Bilang pagsuporta sa Alab, “let’s keep the fire burning.”
Comments are closed.