MAGIGING mainit ang talakayan sa session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ngayong Martes, Mayo 7, sa pagbisita ng top officials ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP), kasama ang tatlong lifters na sasabak sa Paris Olympics bilang special guests sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
Tatalakayin ni SBP Executive Director Erika Dy ang mga plano at programa ng governing body ng bansa para sa basketball sa kabuuan ng taon, sa pangunguna ng FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Latvia ngayong July at ng window 2 ng FIBA Asia Cup qualifiers sa bansa sa November.
Samantala, sasamahan ni SWP President Monico Puentevella sina Paris Olympic qualifiers Elreen Ando, John Ceniza, at Rosegie Ramos upang talakayin ang kanilang mga plano at paghahanda sa edition ng Summer Games ngayong taon.
Ang public sports program ay magsisimula sa alas-10:30 ng umaga at itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at ArenaPlus, ang 24/7 sports app sa bansa.
Hinihikayat ni PSA President Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star, ang mga miyembro at opisyal na lumahok sa talakayan.
Naka-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation, ang session ay mapakikinggan din sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2 at isini-share ito sa kanilang official Facebook page Radyo Pilipinas 2 sports.