SC PARTY-LIST SOLON NAGPASALAMAT KAY ANGARA SA MALASAKIT SA SENIOR CITIZENS

LABIS na ikinatuwa ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang naging panawagan ni Senador Sonny Angara sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa pagsasaayos ng pensyon ng mahihirap na senior citizens.

Ayon kay Ordanes, napakahalaga ng suporta ni Angara dahil may nadagdag pang boses na nananawagan sa agarang pagbibigay ng social pension ng indigent senior citizens.

Una at matagal nang ipinanawagan ni Ordanes sa mga kinauukulang ahensiya ang pagbibigay ng karagdagang P500 sa buwanang pensyon alinsunod na rin sa RA 11916.

Si Ordanes ang masigasig na nagsulong sa Kamara na madoble ang buwanang pensyon ng mga mahihirap na nasa edad 60 pataas sa bansa.

Una nang tiniyak ni Ordanes na simula sa darating na  Enero ay maibibigay na ang dagdag-pensyon dahil ipinaglaban niya ang karagdagang P25 bilyon para rito sa deliberasyon ng proposed 2024 national budget.

“Makatutulong na ang dagdag P500 para sa mga pangangailangan ng ating mga minamahal na senior citizens gaya ng mga gamot at pagkain,” aniya.

Sa bahagi ng Senado, isa si Angara sa mga co-author ng naturang panukalang batas. Higit isang taon na nang maging ganap na batas ang RA 11916. Nagpahayag si Angara ng pagkabahala sa “backlog” sa pagbibigay ng social pension ng senior citizens.

“Nakababahala ang binanggit ng DSWD na mayroong 466,000 na backlog sa pagbibigay ng social pension para sa ating mga lolo at lola na walang kahit anuman na suportang nakukuha mula sa kanilang mga kamag-anak. Sila ay walang regular na pension na natatanggap at karamihan din sa kanila ay walang naipon na pera,” sabi ni Angara, ang awtor ng RA 9994 o ang Expanded Senior Citizen’s Act.

VICKY CERVALES