TIKLO sa entrapment operation ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCDACT) sa Cavite City ang isang babae na pekeng seller ng frozen meat products sa social media.
Kinilala ang suspek na si Romelyn Lobaton.
Ayon sa QCDACT, gumagamit siya ng pangalan na Maria Cortiz sa social media.
Umorder ng karne sa kanya ang isang lalaki na taga-Quezon City nitong Pebrero 5 na nasa 27 kilos ng karneng baka at 15 kilos ng karne ng manok na nagkakahalaga ng P12,173 ang binili at binayaran ito gamit ang online banking.
Naniwala ang lalaki na lehitimong seller ang suspek matapos ipakita sa kanya ang larawan ng mga karne na handa nang i-deliver.
Ilang oras ang nakalipas, sinubukan ng complainant na kontakin ang babae para kamustahin ang delivery pero nagulat siya nang malaman na naka-block siya sa chat.
Dahil dito, inireklamo ng biktima ang suspek sa mga pulis.
Para sa entrapment, gumamit ng pekeng social media account ang mga operatiba at umorder ng P6,000 na halaga ng karne sa babae.
Nang kunin ng suspek ang bayad sa tindahan na may pera padala service, agad siyang hinuli ng mga pulis.
Nahaharap si Lobaton sa kasong swindling/estafa in relation sa Cybercrime Prevention Act of 2012. SID SAMANIEGO