Scammers na gumagamit sa pangalan ng First Lady para makapangikil ng P5-M arestado

BINALAAN ang mga swindler na gumagamit sa pangalan ni First Lady Liza Araneta Marcos at ng kanyang pamilya kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong suspek dahil sa pangingikil ng P5 million mula sa isang negosyante.

Ang inarestong suspek na kinilalang si Francisco Ouna, 48, alias “Isko,” kasama ang dalawang armadong kasabwat na sina Joselito Agtuca, 46, at German Reveza, 42, ay nagbantang ipasasara ang isang establisimiyento kapag hindi nagbigay ang biktima ng P5 million “upang protektahan ang kanyang emissions testing at medical business.”

Ang mga suspek na nahulihan ng isang firearm sa isang entrapment operation sa Pasay City ay mahaharap sa kasong robbery extortion, ayon kay Major General Romeo Caramat Jr., Director ng  Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sa isang radio interview, hinikayat ni PNP-CIDG National Capital Region Lt. Col. Jose Joey Arandia ang publiko na agad i-report ang sinumang gumagamit sa pangalan ng First Family para makapangikil ng pera. to

“Sa atin pong mga kababayan, lalo na sa mga hindi pa nakapagsusumbong sa mga otoridad, maaari pong pumunta sa PNP-CIDG para idulog ang complaint ninyo, lalong-lalo na sa mga gumagamit sa pangalan ni First Family, sa pangalan ni First Lady Liza Marcos,” sabi ni Lt. Col. Arandia.

“Kung natatakot man kayo, handa naming huliin ang mga ‘yan,” pagbibigay-diin niya.

Agad na inimbestigahan at inaresto ng PNP-CIDG ang umano’y  extortionists kasunod ng reklamo sa mga awtoridad na sinasabi ni alias “Isko” na may direkta siyang koneksiyon sa First Lady.

“Alias Isko claimed to have a direct connection with First Lady Liza Araneta Marcos, that if the victim refused to give him the money, he would cancel or hinder all his business transactions,” sabi ni Director Caramat Jr. sa isang statement.

Kinumpiska ng mga tauhan ng PNP-CIDG ang boodle money, isang handgun na may tatlong magazines, 32 live ammunition, isang license to own and possess firearms, isang permit to carry firearms mula sa suspek na si Agtuca.

Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong kriminal dahil sa paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code o Robbery Extortion sa Pasay City Prosecutor’s Office.