SCAMMERS NA ‘NAMBIKTIMA’ SA PNP CHIEF PINAPAARESTO

PINATUTUGIS na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang lahat ng scammer na gumagamit ng kanyang pangalan sa iligal na gawain.

Kasunod ito ng pagkaaresto ng CIDG ang isang suspek na umano’y gumagamit ng pangalan ng PNP chief para mangolekta ng protection money sa mga iligal na establisimyento sa Laguna, Batangas, at Cavite.

Ang suspek na kinilalang si alias Steve Andrew ay inaresto noong Martes sa Sto. Tomas City, Batangas dahil sa paglabag sa RA10591 or o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nakuha ng CIDG sa suspek ang isang 45 cal. pistol at isang magasin na may pitong bala na walang kaukulang permit, matapos na rumesponde sa sumbong ng mga residente tungkol sa isang armadong indibidwal sa kahabaan ng Gen. Malvar Ave. sa Brgy. Poblacion 1 ng nabanggit na bayan.

Ang suspek at narekober na ebidensya ay dinala sa CIDG RFU (Regional Field Unit) 4A headquarters para sa dokumentasyon at disposisyon. EC