ZAMBOANGA CITY – Nagpakitang- gilas sa Philippine Air Force ang Southern City Colleges matapos tambakan ang Western Mindanao State University, 108-42, at sikwatin ang korona sa men’s 5×5 Basketball ng 2nd Philippine ROTC Games 2024 Mindanao Qualifying Leg, kahapon sa University of Zamboanga-Summit Centre, dito.
Maagang ipinaramdam ng SCC cagers ang kanilang lakas nang hawakan agad ang 48-point lead, 67-19, sa unang dalawang periods kaya naman hindi ito nahirapan para sungkitin ang gold medal.
Kuminang naman sa Philippine Army men’s basketball ang Josefina Cerilles State College matapos kalusin ang Southern City Colleges, 92-60.
Diretso sa national finals sa Indang, Cavite sa Agosto ang basketball teams ng SCC at JCSC para puntiryahin ang ginto sa event na pinasimulan ni Senador Francis “Tol” Tolentino at katuwang ang Philippine Sports Commission, (PSC), sa pamumuno ni chairman Richard Bachmann sa pag- organisa.
Matinding buntalan naman ang nasaksihan sa Philippine Army boxing event kung saan nasikwat ni Rolando Evangelista ng Jose Rizal Memorial State University – Tampilisan ang gintong medalya sa men’s 51-54 kg bantamweight.
Nasapol ni Rey John Paul Apale ng Makilala Institute os Science and Technology ang gold medal sa 54-57 kgs. featherweight matapos gulpihin si Ian Jeffer Banyogan ng PHINMA – Cagayan De Oro College.
Ang ibang boksingero ng Army na nakakuha ng gold ay sina Joebert Yacapin ng PHINMA – Cagayan De Oro, (57-60kgs. lightweight) at Wilmark Agosto ng La Salle University (60-63.6kgs light welterweight).
Si Gabriel Gonzales ng Western Mindanao State University naman ang naka-ginto para sa Philippine Air Force sa (60-63.6kgs light welterweight).
Sa women’s arnis, kumalawit ng gintong medalya para sa Air Force sina Bernalyn Jhoy Nicdao (featherweight), Sarah Oraciano (lightweight) at Maricar Cautivar (welterweight), pawang nag-aaral sa Western Mindanao State University.
Naka-gold sa men’s side ng PAF sina Rene Callora (featherweight) at Oscar Tiu III (lightweight) na kapwa taga-WMSU at Leoter John Tigo (welterweight) ng Southern City Colleges.
Pumitas naman ng ginto sa women’s table tennis singles sina Kyla Crizz Pabico ng Holy Trinity College (army) at Roxette Enriquez ng Southern City Colleges (PAF).
Ngayon ang huling araw ng multi-sports competition na para sa mga kadete mula sa Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy.
CLYDE MARIANO