NAGBIGAY ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng scholarship sa 108 Navoteño elementary at high school students na mahuhusay sa sports.
Kabilang sa mga bagong scholar ang 36 Navotas Division Palaro champion sa athletics, 24 sa taekwondo, 16 sa badminton, 13 sa swimming, apat na nagwagi ng ginto sa table tennis, anim sa chess, at siyam sa arnis.
Nilagdaan ni Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga iskolar at kanilang mga magulang o tagapag-alaga, ang memorandum of agreement para sa NavotaAs Athletic Scholarship Program.
Ang mga athletic scholars ay tatanggap ng P16,500 transportation at food allowance, at P1,500 para sa kanilang uniporme at kagamitan tuwing scholarship term.
Makakakuha rin sila ng libreng pagsasanay mula sa mga coach na kinuha ng pamahalaang lungsod at tulong sa pagsali sa mga pribadong kompetisyon.
Ang kanilang scholarship ay maaaring i-renew taun-taon kung sila ay manalo ng hindi bababa sa ikatlong puwesto o katumbas nito sa anumang panrehiyon o pambansang mga kumpetisyon sa palakasan, dumalo sa lahat ng kailangan at nakatakdang pagsasanay, at mapanatili ang kanilang mga marka sa paaralan.
Mula nang itatag ito noong 2011, nagawang suportahan ng NavotaAs Scholarship Program ang edukasyon ng mahigit 1,000 estudyante at guro.
Ang pamahalaang lungsod ay nag-aalok din ng mga scholarship sa mga mag-aaral na nagpapakita ng namumukod-tanging pagganap sa akademya at talento sa sining, at sa mga bata o kamag-anak ng Top Ten Most Outstanding Fisherfolk. EVELYN GARCIA