SCHOLARSHIP PARA MAHIKAYAT ANG MAHUHUSAY NA GURO ISINUSULONG

UPANG mahikayat ang mahuhusay na mag-aaral na pumasok sa propesyon ng pagtuturo, sinabi ni Senador Win Gatchalian na patuloy siyang hahanap ng mga paraan upang mapondohan ang  teacher education scholarships.

Bagama’t nagmungkahi ang Teacher Education Council (TEC) ng P202.5 milyon para sa Teacher Education Scho­larship Program (TESP) na itinatag sa ilalim ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), hindi napabilang ang naturang pondo sa General Appropriations Act para sa 2025 (House Bill No. 10800). Layon ng TESP na hika­yatin ang mga deserving na estudyanteng nagtapos na mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan, kabilang ang mga mag-aaral sa kolehiyo.

Ayon kay Teacher Education Council Exe­cutive Director Dr. Jennie Jocson, sinusuri ng Council ang iba pang paraan upang mapondohan ang mga scholarship. Isa rito ang paghingi ng tulong mula sa mga pribadong donor. Isa pang paraan ang pakikipagtulungan sa mga Teacher Education Institutions (TEIs) sa pamamagitan ng mga inaalok nilang scholarship programs.

Mungkahi ni Gatcha­lian, maaaring pagkunan ang P20.7 bilyon na nasa ilalim ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).

“Maaari nating pagkunan ang pondo ng UniFAST. Karapat-dapat natin itong pagtuunan ng pansin, lalo na’t gusto nating mahikayat ang mga mahuhusay na mag-aaral upang maging mga guro. Makikipagtulungan tayo sa Commission on Higher Education upang makapaglaan tayo ng halaga para sa TESP,” ani Gatchalian sa isang pagdinig na nagsagawa ng oversight review sa pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act.

Sa ilalim ng batas, ang mga scholar sa ilalim ng TESP ay kukuha ng mga undergraduate teacher education degree programs sa mga Teacher Education Centers of Excellence (COEs). Ang mga COEs ay may mahusay na track record sa teacher education, instruction, faculty qualifications, research o pananaliksik, extension services, abilidad na makagawa ng mga mahuhusay na graduates, at iba pa.

Pinatatatag ng Excellence in Teacher Education Act ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Ito ay upang matiyak ang ugnayan mula pre-servince hanggang in-service education.

Minamandato rin ng batas ang TEC na magtatag ng isang teacher education roadmap at magtalaga ng mga pamantayan para sa mga programa ng teacher education.

VICKY CERVALES