KAMATAYAN ang sinapit ng dalawang estudyante at dalawang guro habang siyam na estudyante naman ang sugatan makaraang walang habas na namaril ang 14-anyos na estudyanteng lalaki sa loob mismo ng Apalachee high School sa bayan ng Winder, Georgia kamakailan.
Sa ulat ng news agency, nasakote naman ang suspek na si Colt Gray kung saan ito ay nahaharap sa kasong 4 counts of murder dahil sa pagpatay sa dalawang estudyante at 2 guro gamit ang semi-automatic AR-15-style rifle.
Maging ang tatay ng suspek na si Colin Gray na sinasabing responsable sa ginawang pamamaril ng anak dahil sa ito ang nagregalo ng assault rifle ay kinasuhan na rin na kapwa nasa custody ng pulisya at walang piyansang inirekomenda ang kinauukulang hukuman.
Sa pagbubukas ng court hearing, ang pangunahing suspek na si Colt Gray ay inabisuhang itaas ang kanang kamay habang binabasahan ng nasabing kaso at parusa kaugnay sa pamamaril at pagpatay sa mga biktima.
Gayunpaman, habang papalabas ng Barrow County courthouse ang 14-anyos na suspek ay pinabalik ito ng hukom sa courtroom para itama ang naunang statement na ang kaso tulad ng adult na nagawa ni Colt ay may parusang kamatayan subalit sa edad nito bilang juvenile, ang maximum penalty na kanyang kahaharapin ay habambuhay without parole.
Kinilala naman ang mga biktimang napatay na sina Mason Schermerhorn at Christian Angulo, kapwa 14-anyos na estudyante; Richard Aspinwall, 39-anyos; at Cristina Irimie, 53-anyos, kapwa guro sa mathematics.
Base sa ulat, si Aspinwall ay matiyagang tumulong sa school’s football team habang si Irimie naman nagmula pa sa Romania bilang immigrant ay volunteer sa isang lokal church na nagtuturo ng sayaw.
Samantala, Sinabi naman ni District Attorney Brad Smith na ang nasabing kaso ay ihaharap sa grand jury sa Oktubre 17, 2024 kung saan sarado ang court proceeding sa publiko at news media.
At kapag naibaba na ang hatol ng grand jury laban sa mag-ama ay saka lamang itatakda ang arraignment habang si Colt Gray naman ay nahaharap sa panibagong court hearing sa Disyembre 4, 2024.
MHAR BASCO