ANG lokal na pamahalaan ng Taytay sa Rizal ay nagpasa ng ordinansa na naghihigpit sa child-targeted marketing ng ultra-processed na pagkain at inumin sa loob ng munisipyo, na layuning protektahan ang mga bata mula sa labis na katabaan at iba pang panganib sa kalusugan na nauugnay sa pagkain.
Ang Ordinansa Blg. 2307-036 o Ordinansa para Protektahan ang mga Bata mula sa Masasamang Epekto ng Pagmemerkado ng Pagkain at Inumin’, na ipinakilala ni Konsehal John Tobit Cruz, ay nagbabawal sa mga anunsiyo ng mga pagkaing mataas sa taba, asin, o asukal, sa mga lugar na nakasentro sa bata tulad ng school zone, palaruan, parke, at family mall area.
“Ito ay isang panalo para sa kalusugan ng mga bata,” ayon kay Tobit Cruz sa huling pagbasa ng ordinansa.
Ang pagkakalantad ng mga bata sa mga advertisement na nagtatampok ng ultra-processed na pagkain ay nauugnay sa pagtaas ng pagkonsumo ng mga naturang pagkain at nauugnay na mga panganib ng labis na katabaan, ayon sa isang pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).
“Pinupuri namin ang Taytay sa pagiging kauna-unahang munisipalidad na nagsulong ng landmark na patakarang ito sa kalusugan.
Ang panukalang ito ay umaayon sa mas malawak na pambansa at pandaigdigang pagsisikap na labanan ang childhood obesity at isulong ang mas malusog na pamumuhay sa mga bata,” ani Atty. Sophia San Luis, Executive Director ng ImagineLaw, ang katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagbalangkas ng ordinansa.
Isa sa bawat pitong Filipino school-aged children ay obese o overweight, ayon sa isang pag-aaral noong 2021 ng Department of Science and Technology Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
“Umaasa kami na ang patakarang ito ay nagsisilbing modelo para sa iba pang munisipalidad at lungsod na naglalayong protektahan ang kalusugan ng kanilang mga anak,” dagdag niya.
Lubos ang pagnanasa ng task force na wakasan ang mapaminsalang marketing ng pagkain at inumin sa mga bata
Para maipatupad ang ordinansa, bubuuin ang local task force ng mga opisyal ng gobyerno ng Taytay na tututukan ang pagsubaybay sa mga advertisement ng pagkain at inumin sa loob ng munisipyo, at tulungan ang mga establisyimento na sumunod sa mga bagong regulasyon.
Ang mga lalabag sa ordinansa ay mahaharap sa multa na PhP 2,500.00 at kakailanganing tanggalin ang mga patalastas na lumalabag sa mga regulasyon. Elma Morales