HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 at ang mga local government unit na makipagtulungan sa mga paaralan sa pagbabakuna ng mga kabataang edad 5 hanggang labing-isa laban sa COVID-19.
Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang pakikipagtulungan sa mga paaralan ay makatutulong sa pagtukoy, pag-oorganisa, at pag-monitor sa mga mag-aaral na maaari nang mabakunahan kontra COVID-19, lalo na’t inaasahan ang pagpapalawig ng limited face-to-face classes ngayong buwan.
Ayon sa Department of Education (DepEd), ang mga mag-aaral na bakunado laban sa COVID-19 ay bibigyan ng prayoridad sa pakikilahok sa face-to-face classes.
Muling binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagbubukas ng mga paaralan at ang muling pagkakaroon ng face-to-face classes. Giit ng senador, ang patuloy na kawalan ng face-to-face classes ay magdudulot ng pangmatagalang pinsala sa edukasyon at ekonomiya ng bansa. Kung mababakunahan aniya ang mas maraming mag-aaral, mababawasan ang posibilidad ng hawahan at mas tataas ang kumpiyansa ng mga magulang.
Ayon sa Planning Service ng DepEd, may 14 na milyong mag-aaral na lima hanggang labing-isang (5-11) taong gulang ang maaaring makatanggap ng bakuna kontra COVID-19. Ipinahayag din ni NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez na balak ng pamahalaan na bakunahan ang mahigit 15.56 milyong mga kabataan sa age group na ito.
Para sa initial rollout, 24 na mga ospital at non-hospital facilities ang itatalagang mga vaccination site sa National Capital Region (NCR).
Ayon pa sa senador, mahalagang lahat ng mga kabataang maaari nang makatanggap ng bakuna ay mabakunahan lalo na’t binabalak ng DepEd na simulan ang itinuturing na New Normal sa School Year 2022-2023. Sa ilalim ng New Normal, ang face-to-face classes ay magiging bahagi na ng pagtuturo sa gitna ng pandemya.
“Napapanahon ang pagbabakuna sa mga batang 5 hanggang 11 ang edad, lalo na’t patuloy ang ating pagsisikap na palawigin ang ating face-to-face classes. Mahalaga ito upang maprotektahan mula sa hawaan at pagkakasakit, hindi lamang ang ating mga mag-aaral kundi pati na rin ang kanilang mga guro at mga pamilyang nakapalibot sa kanila,” ani Gatchalian. VICKY CERVALES