NANANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na siguruhin ang kaligtasan ng mga paaralan mula sa banta ng bagong coronavirus na tumama na sa 222 katao sa apat na kapitbahay nating bansa sa Asya, kabilang ang China, Japan, South Korea, at Thailand.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang maging handa ang mga paaralan upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral. Ayon sa Department of Health (DOH), isang pinaghihinalaang kaso ng novel coronavirus o 2019-nCoV ang inoobserbahan sa isang limang-taong gulang na batang lalaking lumipad mula sa Wuhan, China patungong Cebu City.
Nakita sa bata ang ilang sintomas ng trangkaso na nauugnay sa 2019-nCoV, kabilang ang lagnat at ubo. Maaari namang maipasa sa pamamagitan ng person-to-person contact ang 2019-nCoV na unang naitala sa Wuhan City noong Disyembre 31, 2019.
Ang Coronaviruses (CoV) ay isang malawak na pamilya ng mga virus na nagdudulot ng iba’t ibang sakit tulad ng sipon. Maaari rin itong magdulot ng mga mas malalang sakit tulad ng Middle East Respiratory Syndrome-related Coronavirus (MERS-CoV) at Severe Acute Respiratory Syndrome-related Coronavirus (SARS-CoV).
Ayon sa Research Institute for Tropical Medicine, negatibo sa MERS-CoV at SARS-CoV ang batang pasyente ngunit nagpositibo ito sa isang uri ng coronavirus na hindi pa matukoy sa ngayon. Bagama’t humupa na ang lagnat ng pasyente, kinunan ang bata ng specimen sample na ipinadala sa Australia upang matukoy kung anong uri ng coronavirus ang tumama rito.
Para kay Gatchalian, mainam nang gawin ng DepEd ang lahat ng hakbang tulad ng pagpapalaganap ng impormasyon at maigting na pagturo ng kalinisan sa mga mag-aaral.
“Sa ating pangambang makapasok itong bagong coronavirus sa ating bansa, mabuti nang maging sigurado tayo dahil ang isang kumpirmadong kaso ng coronavirus na ito ay puwedeng maikalat sa iba pa,” ayon kay Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Dagdag ng senador, kailangang may hakbang na ang mga paaralan kung sakaling makitaan nila ang mga mag-aaral ng sintomas ng trangkaso.
Dapat ding bigyang-diin ang mga hakbang tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pag-iwas sa mga taong may problema sa paghinga, at tamang pagluto ng pagkain. VICKY CERVALES
Comments are closed.