SCHOOLS OF THE FUTURE, LAST MILE SCHOOLS IPINASA NG KAMARA

Albay Rep Joey Salceda

IPINASA ng Kamara ang dalawang panukalang batas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na naglalayong itaas ang antas ng edukasyon sa mga paaralan ng pamahalaan. Layunin ng isa nito na isulong ang “state-of-the-art public school system,” habang ang isa naman ay magbibigay ng patas na pagkakataong makapag-aral sa mga kabataang nasa mga pamayanang malayo sa kabihasnan o kaya ay may  mga hidwaan at kaguluhan.

Sa isang ‘online session’ ng Kamara kamakailan, ipinasa nito ang mga ‘substitute bills ng HB 311, ang “Public Schools of the Future in Technology;” at HB 307, ang “Last Mile Schools Act” na nagpapanukalang magtayo o isaayos ang mga paaralan sa mga liblib at sobrang magugulong mga lugar at gawing maayos ang mga kalsada patungo roon.

Ayon kay Salceda, layunin ng ‘Public Schools of the Future’ (HB 311) na gawing makabago ang mga silid aralan kung saan mararanasan ng mga mag-aaral ang ‘digital world’ sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng  ‘laptop computers’ at ‘access to internet’ upang ihanda sila sa mapanirang mga teknolohiya ng ika-4 na ‘Industrial Revolution.’

Ang ‘4th Industrial Revolution’ na sinasabing nagsimula sa kalagitnaan ng nakaraang siglo ay tungkol sa ‘digital revolution’ kung saan pinagsasama-sama ang iba’t-ibang teknolohiya na bumubura sa dating malinaw na pagkakaiba-iba ng mga larangang ‘physical, digital, and biological.’

Tila pinabilis diumano ng pandemyang Covid-19 ang ang takbo ng 4th Industrial Revolution dahil ngayon ay isinusulong na ‘blended education’ ng Department of Education (DepEd) kung saan bahagi na ang ‘online learning’ at hindi na kailangan ang harapang pagtuturo sa loob ng silid aralan; gayon din ang ‘work from home mode,’ kung saan maaari nang magtrabaho mula tahanan at hindi pumasok sa tanggapan ang mga nag-oopisina, para maisagawa ang ‘social distancing.’

Sa ilalim ng HB 311, ayon kay Salceda, mag-aaral ang mga kabataan sa loob ng ‘digital classrooms’ na kumpleto sa mga kagamitang ‘digital’ para maging katulad din ng mga kabataan sa mayayamang mga bansa. Tinataya na sa taong 2025, kalahati ng mga karaniwang ginagawa ngayon ay magiging ‘digital’ na at 65% ng mga kahusayan ngayon ay mawawalan na ng saysay at lalala pa ito sa darating na mga taon.

Layunin din ng HB 311 na maiwasang mawalan ng trabaho ang mga manggagawa  sa pamamagitan ng pagbibigay pagkakataon sa mga kabataan na makapasok sila sa makabagong ‘digital’ na mundo, at matutunan nila ang mga kahusayang kailangan upang hindi sila mawalan ng pagkakakitaan at silbi.

Layunin naman ng HB 304 o “Last Mile Schools,” na maginhawang makapag-aaral ang mga kabataan sa mga liblib, mahirap at magulong mga pamayanan at tiyaking may maayos na mga kalsada patungo sa mga  paaralan doon upang “kailanman ay hindi na makukumpromiso ang buhay ng mga kabataan na kailangang tumawid sa ilog, at maglakbay sa mga gulod na walang kalsada, makapasok lamang sa klase nila.”

Ang ‘Last Mile Schools’ ay mga paaralan sa liblib na mga pamayanang malayo sa kabihasnan at kailangang lakbayin ng matagal.

Tinatayang may 8,000 pang ‘Last Mile Schools’ sa bansa ngayon.

Comments are closed.