Kasunod ng pagkakaulat ng unang kaso ng mpox (dating monkeypox) sa bansa ngayong taon, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga paaralan sa bansa na magpatupad ng mga hakbang upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.
Ang kasong naiulat noong Agosto 18 ng Department of Health (DOH) ang pang-sampung kumpirmadong kaso ng mpox simula noong nakaraang taon. Ayon sa DOH, ang pasyente ay 33-taong gulang na lalaking Pilipino na walang travel history sa labas ng bansa.
Bagama’t mababa ang panganib na mahawa ang mga bata sa mpox ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos, binigyang diin ni Gatchalian na dapat magpalaganap ang mga paaralan ng kaalaman at magsulong ng mga hakbang upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani—kabilang ang regular na paghuhugas ng kamay at pag-disinfect sa mga silid-aralan at ibang espasyo.
“Patuloy nating dapat isulong ang mga hakbang upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan sa ating mga paaralan at sa buong bansa, lalo na’t ang unang kaso ng mpox ngayong taon ay napatunayang hindi lumabas ng bansa, at nangangahulugang nandito lang ang virus,” ani Gatchalian.
Matatandaang idineklara ng World Health Organization ang pagkalat ng mpox bilang Public Health Emergency of International Concern. Ngunit ayon sa DOH, lahat ng mga dating kaso sa bansa ay na-isolate, natutukan, at gumaling na.
Samantala, isinusulong din ni Gatchalian ang Philippine Center for Disease Prevention and Control Act (Senate Bill No. 1869) bilang isa sa mga may akda ng naturang panukala. Layon nito na itatag ang Philippine Center for Disease Prevention and Control na magsisilbing technical authority sa forecasting, pagsusuri, estratehiya, at pagbuo ng mga pamantayan para mapigilan ang pagkalat ng mga sakit.