PINAG-IINGAT ni Senador Win Gatchalian ang lahat ng mga eskuwelahan sa bansa sa pagbili at pagbebenta ng mga meat product na maaring may African Swine Fever (ASF).
Naging babala ito ni Gatchalian makaraang kumpirmahin ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa ilalim ng Department of Agriculture na positibo sa ASF ang mga produktong hotdog at skinless longganisa mula sa Mekeni.
Ayon sa senador, mahilig ang mga bata sa mga ganitong klase ng mga produkto kaya mahalaga na maging doble ingat ang mga paaralan lalo na sa mga feeding program na isinasagawa ng Department of Education.
Pinaalalahanan din ni Gatchalian ang lahat ng mga magulang na maging mapanuri sa mga pagkain sa tahanan upang hindi malagay sa panganib ang kanilang kalusugan lalo na ang kanilang mga anak.