(Ni CT SARIGUMBA)
ARAW-ARAW, kailangang may bago tayong inihahandang pagkain sa ating mga tsikiting. Kaso lang, lalo na kapag umaga, nauubusan tayo ng panahong magluto. Kaya kung ano na lang ang nandiyan, iyon na lang ang inihahanda natin. Madalas pa nga, hindi na tayo nakapagluluto.
Kung may isang klase man na pagkain na hindi nawawala sa kusina ng bawat tahanan, iyan ang itlog. Isa nga naman ito sa napakadali lang lutuin at abot-kaya pa sa bulsa. Kaya’t mayaman man o mahirap, isa ito sa hindi kailanman nawawala sa kusina.
Sa panahon ngayon na halos nagmamadali ang marami sa atin, madaliang luto rin ang iniisip natin. Kumbaga, kung ano iyong putaheng madaling lutuin na swak sa pamilya, iyon na kaagad ang ginagawa natin.
Pero kung paulit-ulit lang ang inihahanda natin sa ating pamilya, maaaring pagsawaan nila ito. Kaya naman, sabihin mang simple ang isang lutuin o ulam, kailangang may bagong paraan tayo kung paano ito ihahanda sa ating pamilya nang maibigan o katakaman nila itong kainin.
At isa nga sa pinakamadaling ihanda ay ang scrambled egg. Ilang minuto nga lang naman ay makapagluluto ka na ng scrambled egg. Ito rin ang madalas na niluluto o inihahanda kapag nagkakatamaran o nagmamadaling magluto.
Kunsabagay, masarap nga naman ang itlog at napakaraming paraan kung paano mo ito maihahanda sa iyong pamilya na bago sa kanilang paningin at panlasa. Kaysa nga naman sa simpleng scrambled egg na madalas na inihahanda sa pamilya na paniguradong nauumay na sila sa kakakain, bakit hindi natin i-level up ang scrambled egg nang sumarap ito, hindi lamang sa panlasa ng ating pamilya gayundin sa kanilang paningin.
Kaya para magkaroon ng twist ang simpleng scrambled egg, narito ang isa sa puwede ninyong gawin. Tiyak na magugustuhan ito ng inyong tsikiting.
Ang mga sangkap na kakailanganin nating ihanda ay ang mga sumusunod: 1 piraso ng red onion (hiwa-hiwain ng medyo maliliit), 1 piraso ng bell pepper (hiwa-hiwain din ng may kaliitan), vegetable oil, salt and pepper, itlog (depende sa rami na gusto, batihin), grated cheese, tomatoes (hiwain ng pabilog na maninipis), spring onions (tadtarin ng medyo pino) at toasted bread. Paraan ng pagluluto:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Siguraduhing malinis ang kamay. Pagkatapos ay magsalang ng malinis ding kawali at lagyan ng vegetable oil. Kapag uminit na ang vegetable oil, ilagay na ang sibuyas, bell pepper, asin at paminta saka lutuin. Huwag susunugin. Pagkatapos ay isama ang binating itlog. Lutuin ulit. Kapag naluto na ang itlog, ilagay na ang cheese at haluin hanggang sa matunaw. Kapag natunaw na ang cheese, patayin na ang apoy. Isama na rin ang tomatoes at spring onions. Panghuli, ilagay sa pinggan ang toasted bread at scrambled egg. At puwede na itong ihanda.
O hindi ba’t simpleng-simple lang. Kahit na nagmamadali ka, maluluto mo ito. Hindi ka na magi-guilty dahil kahit na na-late ka ng gising, maipagluluto mo pa ng masarap ang iyong buong pamilya.
Bukod sa toasted bread, puwede mo ring ihanda ang scrambled egg with a twist kasama ang tortilla wrap. O kaya naman, may asparagus o kahit na anong gulay na gusto ninyong isama.
Sa totoo lang, napakahirap nga namang maghanda ng iba’t ibang putahe para sa pamilya. Sa araw-araw rin kasing pag-iisip ng marami sa atin kung ano ang swak na ihanda sa buong pamilya, talagang mauubusan tayo ng ideya.
Gayunpaman, kung magiging madiskarte o creative lang tayo, makapaghahanda tayo ng masarap sa ating pamilya gamit ang mga simple at abot-kayang sangkap. (Google images)
Comments are closed.