SA TAONG 2030, pangarap natin na maging maunlad na ang kalidad ng buhay ng lahat ng mga mamamayan kaya naman isa tayo sa mga nanguna na ihain ang panukala upang maisama sa sistema ng paglikha ng batas ang Sustainable Development Goals (SDGs).
Inihain natin ang House Resolution No. 565 upang isulong sa Kongreso ang SDGs, o mga programa at adhikain tungo sa tuluyang kalutasan sa susunod na 10 taon ng mga suliraning kaugnay ng paghihikahos ng mga pamilya, kalusugan, edukasyon at iba pa. Nakasama natin sa pagsulong ng panukalang ito ang 2030 Youth Force in the Philippines Inc., isang youth-led NGO para sa SDGs.
Ang SDGs ay isang malawak at makubuluhang konsepto sa larangan ng kaunlaran ng mga tao, bansa at pamayanan sa buong mundo. Sinasalamin nito ang tunay na kalagayan ng bawat pamayanan at bansa sa aspeto ng kanilang sosyal, ekonomikal, politikal at environmental na pag-unlad kung saan ang bawat aspeto ay kinabibilangan ng iba’t ibang layunin ng kaunlaran.
Ayon sa United Nations, ang 2030 Agenda for Sustainable Development Goals ay binubuo ng 17 layunin na dapat makamit ng bansa sa taong 2030 gaya ng mga sumusunod: 1) walang kahirapan, 2) walang kagutuman, 3) magandang kalusugan at pagkatao, 4) kalidad na edukasyon, 5) pagkapantay-pantay ng kasarian, 6) malinis na tubig at sanitasyon, 7) mura at malinis na enerhiya, 8) marangal na trabaho at maunlad na ekonomiya, 9) industriya, teknolohiya at imprastraktura, 10) pagbawas ng ‘di pagkapantay-pantay, 11) sustainable na mga lungsod at pamayanan, 12) responsableng produksiyon at pagkonsumo, 13) aksiyon sa klima, 14) buhay sa ilalim ng tubig, 15) buhay sa lupa, 16) kapayapaan, katarungan at matibay na institusyon at 17) pagtatambalan para sa layunin. Ang 17 sustainable development goals ang magsisilbing gabay kung ang isang pamayanan ay binabalangkas at isinasakatuparan ba sa kanilang mga plano, batas, ordinansa, inisyatibo at proyektong nakasaad sa kanilang programang pangkaunlaran.
Subalit ang tagumpay ng pagkamit ng mga ito ay nakasalalay hindi lamang sa kamay ng gobyerno, kahulihip nito ang pakikiisa at pakikibahagi ng bawat mamamayan sa kanilang payak na uri ng pamumuhay araw-araw.
Importanteng maunawaan natin na ang katuparan ng mga ito ay nakasalalay sa lahat ng sektor ng lipunan tulad ng pamahalaan, pamilya, simbahan, eskuwelahan, media at civil society group.
Kapag naisama sa sistema ng paglikha ng batas ang Sustainable Development Goals (SDGs), ito’y magdudulot ng kaunlaran, kapayapaan at pagka-kaisa ng mga institusyong panlipunan.
Comments are closed.