IDINEKLARA bilang “Human Resource Capital of the Philippines” ng Kamara ang San Jose Del Monte City sa lalawigan ng Bulacan.
Wala isa man sa 220 kongresista ang tumutol o umiwas sa pagboto kaya’t naaprobahan kaagad sa ikatlo at pinal na pagbasa ng House Bill No. 2378 na kilala bilang “An Act Declaring the City of San Jose Del Monte in the Province of Bulacan as Human Resource Capital”
Nakapaloob sa panukalang batas ang pagkilala sa SJDM ng gobyerno bilang lugar na pinaglipatan ng maraming tao na maaaring gamitin ng pamahalaan para sa kanilang programang pagsasanay sa kaalaman at kabuhayan na magtataguyod ng maraming hanapbuhay, pag-unlad ng ekonomiya at paglago ng lipunan.
Inaatasan din ng panukalang batas ang Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry at ang Technical Education and Skills Development Authority na lumikha ng mga patakaran at implementasyon ng mga plano at programa sa pagpapahusay sa Human Resources ng lungsod kabilang na rito ang pagtatatag ng training centers, pagsasanay sa kaalaman at kabuhayan at pagtataguyod ng mataas na kalidad ng technical-vocational education.
Lubos naman ang pagpapa-abot ng pasasalamat ni SJDM Rep. Florida “Rida” P. Robes na siyang pangunahing may-akda ng panukalang batas sa lahat ng miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pag-aproba nito na aniya ay magiging daan sa libo-libong mga residente sa 40-relocation sites sa lungsod at 150 naninirahan sa mga subdivision upang makakuha ng mga kahusayan at pagsasanay sa kabuhayan na magiging daan para sa tuluyang pagta-trabaho.
“We have a huge human resource pool just waiting to be trained and tapped for employment. As a human resource capital, the City will become a haven to training institutes that will enhance the capabilities of the residents of the City and neighboring towns. As such, its approval is deemed a response to the call to alleviate poverty by tapping human resource as a means to improve the economy,” ani Robes.
Kabilang naman sa mga kapuwa may-akda sa panukala sina Reps. Enrico Pineda, Michael Aglipay, Mark Go, Ma. Theresa Collantes, Leonardo Babasa Jr., Fernando Cabredo, Rowena Niña Taduran, Cheryl Delloso-Montalla, Ferdinand Gaite ay Lawrence Fortun.
Comments are closed.